![]() by the Local Communications Group-Gentri Nagsisilbi ring frontliners ang ating mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) at Barangay Population Officers (BPO), lalo pa ngayong panahon ng pandemya kung kalian napakahalaga ng serbisyong pang-nutrisyon at ng tamang datos mula sa ating mga komunidad. Kaya nitong ika-23 ng Nobyembre ay sumailalim ang ilang BNS at BPO ng ating lungsod sa Rapid Diagnostic Testing sa pamamagitan ng mga rapid test kits na mula sa Metrobank Foundation at Project Ark. Para mas mapalakas pa ang kanilang resistensya para sa kanilang muling pagsabak sa trabaho, binigyan din sila ng vitamins mula sa Pamahalaang Lungsod at Lola Remedies food supplement mula sa Kino Consumer Philippines. |
![]() by the Local Communications Group-Gentri Hindi biro ang adjustments na kinailangang gawin ng sektor ng edukasyon dahil sa pandemya upang magpatuloy ang pag-aaral ng ating mga kabataan. Gayun din naman, ang ating mga estudyante ay ibayong pagsusumikap din para malampasan ang mga karagdagang hamon sa kanilang mga leksyon. Upang masuportahan sila, patikular ang 1,000 mga mag-aaral sa kolehiyo ng Cavite State University (CvSU) General Trias Campus, naglaan ang Pamahalaang Lungsod ng pondo upang maabutan sila ng educational assistance sa halagang Php 3000 bawat estudyante. Ang pamamahagi ay ginanap noong ika-22 ng Nobyembre 2020 sa Gen. Trias Memorial Elem. School, kung saan mahigpit na ipinatupad ang mga safety protocols kagaya ng temperature check at physical distancing. Ang programa ay pinangunahan ni 6th District Representative Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, at mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod. |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias Ang Bagyong Ulysses, na ika-21 bagyong tumama sa Pilipinas nitong 2020, ay itinuturing ding pinakamalakas sa klasipikasyon nitong Category 4. Ang taglay nitong hangin ay umabot sa bilis na 215 kilometro kada oras at nagdala ng malawakang pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa. Bago pa man mag-landfall ang bagyo, sa tulong ng mga forecast ng PAG-ASA, ay nabibigyan ng pagkakataong makapaghanda ang mga maaring daanan ng masamang panahon. Hindi nagatubili ang ating Pamahalaang Lungsod na gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa bagyo. Noong ika-11 ng Nobyembre, nagsagawa ng coordination meeting si Mayor Ony Ferrer kasama sina Vice-Mayor Morit Sison, mga Sangguniang Panlungsod Members, CDRRMO, Bureau of Fire, PNP at Philippine Coast Guard, para sa mga hakbang na dapat isagawa para mapanatiling ligtas ang mga GenTriseño. Bumisita din sila sa ilang evacuation sites upang masiguro ang kahandaan nitong tumanggap ng mga residente na pansamantalang lilikas. Nagsasagawa naman ng pre-emptive evacuation sa mga flood at land slide prone areas ang CDRRMO, CSWD at Barangay, alinsunod sa rekomendasyon ng Office of Civil Defense ng CALABARZON. Binisita din ng ng mga kawani ng City Health Office ang mga evacuation centers noong ika-12 ng Nobyembre upang maghatid ng serbisyong medikal sa mga kababayan nating lumikas dahil sa Bagyong Ulysses at matiyak na ang mga evacuees ay nasa mabuting kalusugan. Kinabukasan naman, paghupa ng bagyo, ay nagsagawa ng clearing and flushing operations ang Bureau of Fire Protection – General Trias sa mga lugar sa Barangay Bacao II na naapektuhan at binaha dahil sa bagyo. Walang napaulat na nasawi o nasaktan sa Lungsod. |
![]() by the Local Communications Group-Gentri Upang aksyunan ang suliraning ito, inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ang Aggressive Community Testing (ACT) nitong ika-10 ng Nobyembre 2020. Sa pagtutulungan ng City Health Office (CHO) ng at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nakapagsagawa ng ACT gamit ang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) na mas kilala sa tawag na swab test. Malaki ang nagagawa ng ACT sa patuloy na pagtukoy ng mga active cases upang agad silang mabigyan ng karampatang attensyong medikal at maihiwalay upang maiwasan ang pagkahawa. Ang mga sumailalim sa ACT ay ang mga close contact ng suspected at confimed cases. Maaring muling tumaas ang bilang ng mga active cases dahil natutukoy na ang mga ito sa pamamagitan ng ACT, ngunit sa kabilang banda naman ay mas magiging akma ang mga hakbang na isasagawa ng Pamahalaang Lungsod para pigilan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan na rin ng trend na maaring lumabas sa mga resulta ng ACT. Sa kasalukuyan ay may mahigit 1,400 nang kabuuang bilang ng sumailalim sa RT-PCR test sa ACT program. |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias Bilang pagpapahayag ng pagpapasalamat sa suportang ibinibigay ng Pamahalaang Lungsod sa Bureau of Fire Protection ay binigyan ni City Fire Marshall, Chief Inspector Lynelle M. Marbella, si Mayor Ony Ferrer ng tanda ng pagpapahalaga nitong November 11, 2020. Matatandaang noong Hunyo noong nakaraang taon ay ininagura ang dalawang palapag na bagong General Trias Fire Department Building sa South Square, Pasong Kawayan II na naging bagong headquarters ng BFP sa Lungsod. Dahil dito ay may tatlong fire stations na sa General Trias: ang GTFD Building, ang nasa at ang nasa Barangay Manggahan. Sa suporta ng Pamahalaang Lungsod, mas epektibong nagagampanan ng ating mga fire marshalls ang kanilang mga tungkulin. Gayun din naman, ang BFP ay itinuturing na matatag na katuwang ng Pamahalaang Lungsod sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mamamayan lalo na sa panahon ng pangangailangan at sakuna. |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias November 5, 2020 – Sa patuloy na pakikilaban ng bansa sa pandemya ng COVID-19, nananatili ang pangangailangan para sa mga personal protective equipment (PPE). Kabilang dito ay ang faceshields na araw-araw ginagamit ng lahat para maiwasan ang droplets na maaring magdala ng virus. Kaya naman malaking tulong ang 14,000 faceshields na donasyon ng tanggapan ni Senator Win Gatchalian para sa mga GenTriseño. Ang mga ito ay ipinamahagi sa iba’t ibang sektor at kasalukuyang napapakinabangan ng mamamayan. Bukod sa pagsusuot ng PPEs, pinakamabisa pa ring paraan para umiwas sa pagkahawa ang limitahan ang face-to-face interactions sa ibang mga tao, at laging panatilihin ang physical distancing. |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias October 30, 2020 – Ang Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa pangunguna ni Mayor Ony Ferrer, Vice-Mayor Morit Sison, mga Sangguniang Panlungsod Members, at sa suporta ni Cong. Jon-Jon Ferrer ay ginunita ang taunang Retired Teacher’s Day bilang bahagi ng National Teachers’s Month alinsunod sa Presidential Proclamation No. 242. Subalit ang ginawang selebrasyon ngayon ay kakaiba sa mga nakaraang taon. Dahil sa bawal ang pagtitipon-tipon ng maraming tao alinsunod sa patakarang pangkalusugan ng IATF at bilang pagsasaalang-alang na din sa edad ng mga retiradong guro at punong-guro, minabuti ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlungsod na magbahay-bahay at bisitahin sa kani-kanilang tahanan ang mga gurong naglaan ng maraming taon sa mga paaralang pampubliko at pribado sa lungsod. Bawat miyembro ng Retired Teachers Association of General Trias ay nakatanggap ng dalawang buwang suplay ng Vitamin C, face masks, at face shield. Pinagkalooban din sila ng mga food packs mula Maxim Integrated, at Lola Remedios food supplement mula sa Kino Consumer Philippines, Inc. Sa ganitong paraan, nawala man ang isang masayang pagsasalu-salo, naipadama pa din sa kanila na sa kabila ng kanilang pagreretiro, ang kanilang kontribusyon sa maraming taong paglilingkod ay patuloy na binibigyang halaga at hindi kailanman nakakalimutan. |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias OKTUBRE 2020 – Kaugnay ng papapatupad ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Lungsod ng Gen. Trias, patuloy pa rin at higit na pinag-igting ang isinasagawang monitoring at enforcement ng mga quarantine and health protocols ng ating mga kapulisan sa mga transport terminal at pamilihan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayang Gentriseño na namimili ng pang-araw-araw na pangangailangan sa mga pamilihang bayan, gayundin ng mga emplayadong gumagamit ng pampubublikong transportasyon. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagkalat ng virus at paglobo ng mga taong naapektuhan nito. Kaya patuloy pong hiningi ang kooperasyon at pakikiisa ng lagat upang mapanatiling ligtas ang ating komunidad |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias Oktubre 12, 2020 – Ginunita ng Pamahalaang Panlungsod ang ika-151 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Heneral Mariano Closas Trias, isa sa magiting na bayani sa panahon ng pananakop ng mga Kastila at kung saan hinango ang pangalan ng ating lungsod. Si Hen. Mariano C. Trias ay itinuturing bilang Pangalawang Pangulo ng rebolisyunaryong pamahalaan ng Pilipinas ayon sa resulta ng naganap na halalan sa Kumbensiyon ng Tejeros. Ang kaniyang pagiging Pangalawang Pangulo ay kinilala rin sa ginawang Kasunduan sa Biak-na-Bato. Patuloy siyang naglingkod bilang gabinete ng Ministro ng Digmaan at Pananalapi nang maitatag ang Unang Republika ng Pilipinas. Bilang pag-alaala at pagbibigay-pugay sa kanyang mahalagang kontribusyon sa ating kasaysayan, nag-alay ng bulaklak ang Pamahalaang Panlungsod sa kanyang bantayog. Alinsunod sa patakarang pangkalusugan ng IATF, simple ngunit makabuluhan ang naging pag-alalaa sa mahalagang araw na ito. |
![]() Lungsod ng Gen. Trias – Simula noong mapasailalim ang malaking bahagi ng Luzon sa lockdown at quarantine, ang Pamahalaang Panglungsod ay hindi na tumigil sa pag-aabot ng tulong sa mga mamamayang Gentriseño. At ngayon, makalipas ang humigit-kumulang na pitong buwan ay patuloy pa rin ang pamamahagi ng tulong sa ating mga kababayan. |
![]()
Tuwing Enero taun-taon, isa sa mga responsibilidad ng mga nagmamay-ari ng negosyo na iparehistro ang kanilang mga negosyo at kumuha ng permit upang legal na mapatakbo ang mga ito. Para sa maayos na pagpo-proseso ng mga business permits, mas pinabilis ang serbisyong hatid ng Business One-Stop Shop (BOSS). Katulad nang nakagawian na, nagsasama-sama sa BOSS ang iba’t ibang tanggapang may kinalaman sa pagkuha ng business permit upang maging mas madali sa mga kliyente ang pagkuha nito. Sa taong ito rin nailunsad ang Integrated Business Permit, na first of its kind sa buong bansa. Pinag-isa d-isa dito ang Barangay Business Clearance, Sanitary Permit, at Mayor’s Permit, kaya’t bukod sa kabawasan sa mga dokumento ay kabawasan din sa oras ng pagpoproseso ang resulta nito. Nakapaloob na rin sa Integrated Permit na ito ang applicable business tax, fees and charges, kabilang na ang fire safety fee. Dahil sa dami ng mga nagnenegosyo sa Lungsod, muling kinailangang i-extend ang BOSS na pangkaraniwan ay hanggang ika-20 lamang ng Enero. Sa bisa ng isang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod na pinagtibay din ng Punong Lungsod, Mayor Ony Ferrer, pinalawig hanggang ika-7 ng Pebrero ang pagre-renew ng business permit nang walang penalty. Ang BOSS ay naging bukas para sa mga GenTriseño mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa 3rd Floor, Audio-Visual Room, City Hall. May kabuuang bilang ng 6,521 na permit ang nai-issue sa mga negosyante ng Lungsod, isang indikasyon ng patuloy na pagyabong ng lokal na ekonomiya ng ating One and Only GenTri. |
![]() by the Local Communications Group-Gen.Trias Ika-13 ng Disyembre 2019 — Tampok ang taunang Valenciana Festival at Street Dance Competition, muling naging makulay ang lungsod hindi lamang sa mata kundi lalo sa panlasa. Sa ika-siyam na taon na ngayon, humalimuyak sa amoy ng nakatatakam na bagong lutong arroz valenciana ang plaza sa ginanap na Valenciana Cooking Competition. May 33 na grupo ang lumahok mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod at nagpakitang gilas sa paghahanda ng paboritong putahe ng mga GenTriseño. Bagama’t inani natin ang lutuing ito mula sa paella ng mga Kastila, ang valenciana ay nagkaroon na ng espesyal na mga lahok na tunay na panlasang Pinoy. Sa huli, hinirang na wagi ang Brgy. Sta. Clara na tumanggap ng 25,000 pesos, pangalawa ang Brgy. Santiago na tumanggap ng 15,000 at pangatlo ang Brgy. Biclatan na tumanggap naman ng 10,000 pesos. Habang abala sa tikiman ang iba ay mas pinasigla naman ng mga kabataan ang pagdiriwang ng ika-271 taon ng pagkakatatag sa pamamagitan ng street dancing competition. Sa saliw ng masasayang tugtugin ay masayang umindak ang mga kalahok sa población at isa-isang nagpakitang gilas sa plaza. May 10 grupong sumali sa kompetisyon mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan. Lalo pang nagpatingkad ng selebrasyon ang kanilang makukulay na kasuotan at masasayang mga ngiti, kung saan bakas ang kanilang pag-eenjoy sa isinigawang street dancing. Hinirang ding panalo mula dito ang CABT (Centennial Academy of the Blessed Trinity) na tumanggap ng 50,000 ,pangalawa ang cluster ng Gov. Ferrer Memorial National High School na tumanggap ng 30,000 pesos at pangatlo naman ang Luis Y. Ferrer Senior High School na tumanggap naman n g 20,000 pesos mula kay Mayor Antonio “Ony” Ferrer. Sa mahigit dalawa’t kalahating siglong edad ng lungsod ng General Trias, kitang kita sa kasaysayan nito ang marami nang pagbabago at patuloy na yumayabong na kultura, turismo at industriya nito. Sa ipininapakita namang aktibong suporta ng mga mamamayan, siguradong mananatili ang pagkakaisang magdadala pa sa lungsod nang mas inaasam at tuloy-tuloy na pag-unlad. |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias Bagama’t preferably ay para sa mga GenTriseño ang serbisyo, naging bukas ito para sa lahat sa kondisyon na dapat ay sumailalim muna sa pre-registration ang mga aplikante. Ang pre-registration ay isinagawa mula ika-30 ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre para bigyang panahon ang DFA na masuri muna ang mga aplikante kung qualified sila sa mobile passport application at hindi kabilang sa mga tinatawag na special cases katulad ng mga mayroong discrepancies sa pangunahing mga dokumento kagaya ng birth certificate at iba pa. Dahil din limitado lamang ang bilang ng maaring mabigyan ng serbisyo, nararapat lamang ang isinagawang pre-registration para masulit at hindi masayang ang mga slots na ibinigay ng DFA. Napakalaki ng dalang ginhawa ng serbisyong ito lalo na sa mga kababayan nating naghahanda para sa empleyo sa ibang bansa, dahil sa malaking katipiran sa pera at oras ang mobile passporting. Ang programang ito ay naging posible sa pagtutulungan ng DFA ng mga tanggapan ng City Civil Registrar’s Office, Local Economic and Investment Promotions Office (LEIPO) at ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa pamumuno ni G. Romel D. Olimpo. Malugod na inihandog ni Mayor Ony ang plake ng pasasalamat sa DFA team leader and staff na dumayo sa General Trias para sa serbisyong ito. |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias Isang buong linggo, ika-7 hanggang ika-12 ng Oktubre 2019, ang inilaan ng Pamahalaang Lungsod para sa paggunita sa ika-150 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Heneral Mariano Closas Trias, ang unang Pangalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Bilang pinakakilalang anak ng bayan na kung tawagin noong araw ay San Francisco de Malabon dahil sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon bilang aktibong rebolusyunaryo na nagbigay daan sa pagkakamit ng kasarinlan ng Pilipinas, ipinangalan sa kanya ang ating bayan sa pamamagitan Act No. 2889 ng Philippine Assembly noong ika-24 ng Pebrero 1920. Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng blessing at pagbubukas ng bagong General Trias Park kung saan tampok ang paghahawi ng tabing sa bagong monumento ng Heneral. Sa ikalawang araw ay idinaos ang “Huntahan sa GenTri: Isang Sampaksaan tungkol sa Buhay, Gawa, at Kontribusyon ni Heneral Mariano C. Trias at sa mga kilalang kultura ng mga GenTriseño” sa Lyceum of Philippines University auditorium .Nagpakita naman ng kanilang husay sa pagguhit ang mga kabataang GenTriseño sa “Pinta Gilas sa GenTri: On-the-spot Poster Making Contest” sa bulwagang panlungsod noong ikatlong araw, kung saan hinirang na panalo si Angelo Rabadon ng Luis Y. Ferrer Jr. National Highschool-North. Sinundan ito ng Bamboo Tree Planting sa Pasong Kawayan Elementary School. Ang mga kawayan ay nagsisilbing simbolo ng pag-alala sa dating pangalan ng lungsod, San Francisco de Malabon, dahilan sa dami ng labong o kawayanan sa lugar noong araw. Kagaya rin ng kawayan, may taglay na tatag ang bayan na madaling makatugon ano mang unos ang dumating. Biyernes ay ginanap naman ang book launching ni Dr. Emmanuel Calairo sa General Trias Medical Center kung saan inilunsad niya ang pinagsikapang buuing talambuhay ni General Mariano Trias na pinamagatang “Gen. Trias-The Story of General Mariano C. Trias (First Vice President of the Philippine Republic)”. Tinapos ang week-long celebration noong Sabado, mismong araw ng kapanganakan ni General Trias sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulalak sa kanyang monumento na pinangunahan ni MMDA Chairman Danilo Lim at Cong. Luis “Jon-Jon Ferrer IV, paglulunsad ng General Trias memorial postal stamp, misa ng pasasalamat sa Parokya ni San Francisco De Asis, seranata sa plaza bida ang mga bandang Banda Matanda,Banda Kabataan,Community Wind Ensemble,Sta. Cecilia Band 89,Sta. Veronica Band at St. Francis Band at fireworks display. Apat na araw ding nagkaroon ng photo exhibit sa Robinsons Place General Trias tampok ang iba’t ibang larawan ng sinaunang lungsod. Ang mga nasabing aktibidad ay matagumpay na naidaos sa pangunguna ng punong lungsod, Mayor Antonio “Ony” Ferrer, at pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod. Kabilang din sa mga nakiisa sa pagdiriwang ang National Historical Commission of the Philippines at Philippine Postal Corporation (PHLPost). |
![]() by the Local Communications Group-Gen. Trias Oktubre 4, 2019 – Ang paggunita sa Kapistahan ng patron ng General Trias na si Tata Kiko ngayong taon ay siksik sa mga makabuluhang aktibidad na lalong nagpapakulay ng kultura ng lungsod. Wala pa man ang buwan ng Oktubre ay may pauna nang karakul ang Parokya sa plaza noong ika-22 ng Setyembre. Dahil kinikilalang patron ng mga hayop at kapaligiran, may espesyal ding programa para sa pagbibinyag ng mga alagang hayop o Pabialahay, na sinundan ng free anti-rabies vaccination, na lubos na ikinatuwa ng mga pet owners. Bilang pasimula sa opisyal na pagdiriwang ay umindayog ang buong poblacion sa taunang Karakol noong ika-2 ng Oktubre. Masiglang ipinakita ng mga mamamayan ang kanilang pakikiisa sa selebrasyon sa pamamagitan ng masayang prusisyong ito. Lumahok ang buong pamunuan ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Ony Ferrer, Congressman Jon-Jon Ferrer, Vice Mayor Morit Sison, at mga konsehal; gayundin at mga mga residente ng iba’t ibang mga barangay at mga sector ng pamayanan gaya ng senior citizens, kabataan, at kababaihan. Kinabukasan ay nanatili ang masayang diwa sa población dahil sa Grand Pasayo marching band competition. May 19 na mga banda ang nagsilahok at nagpakita ng kanilang talento sa pamamagitan ng pagtugtog ng iba’t ibang mga awit, tradisyonal man at moderno. Wagi sa patimpalak na ito ang St. Mary Magdalene Band mula sa Kawit, Cavite. Sa mismong araw ng kapistahan, buhay na buhay ang kasiyahan sa población. Puno din ang bayan ng mga mamimista mula sa iba’t ibang bayan na duamrayo hindi lamang para maki-salo kundi pati na rin para magnilay sa pagdiriwang ng pag-alaala sa patrong San Francisco. Lalong nagliwanag ang gabi sa makulay na fireworks display na hatid ng Pamahalaang Lungsod. Ang pagdiriwang ay isinara kinabukasan sa pamamagitan ng Grand Parish Procession bandang ika-pito ng gabi. |
![]() by the Local Communications Group-Gen.Trias Ika-25 ng Setyembre 2019 – Isa na namang parangal ang iginawad sa Lunsgod ng General Trias na malugod na tinaggap ng ating punong lungsod, Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer. Ang pagkilala ay mula sa The Manila Times, isa sa mga pangunahing broadsheets at print media company sa bansa. Nakamit ng General Trias ang First Runner-Up ng titulong Philippine Model City, sumunod sa Bacolod na siyang nagkamit ng top award. Base sa criteria ng Philippine Model City award, ang mga hinirang na nagwagi ay maituturing na best livable urban centerssa Pilipinas kung saan ang mga residente ay nabibigyan ng maayos na mga serbisyo tulad ng edukasyon, pangkabuhayan, seguridad, disaster preparedness, kalusugan, turismo at iba pa. Bukod sa pagiging first runner-up sa Philippine Model City ay iginawad din sa General Trias ang Livelihood and Employment Awardpara sa mga epektibong inisyatibo ng Pamahalaang Panlungsod sa mga pangkabuhayang programa at paghahatid ng trabaho sa mga mamamayan. Ang mga naisagawang job fairs, recruitment activities at livelihood programs at ang dami ng mga indibidwal na matagumpay na nabigyang trabaho at pagkakakitaan ang naging konkretong basehan ng award na ito na nagpapanalo sa General Trias sa tatlumpu’t pitong iba pang mga lungsod. Sa ilalim ng temang “Building Better Landscapes for the Next Generation,” layunin ng The Manila Times sa pagsasagawa nila ng recognition program na ito na magbigay inspirasyon sa mga local government units (LGUs) sa buong bansa na patuloy na pagyamanin at pagbutihin pa ang iba’t ibang mga programang mag-aangat sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino. Ang awarding ceremonies ay ginanap sa New World Manila Bay Hotel sa Malate, Manila, kung saan kasamang tumanggap ni Mayor Ony ng pagkilala sina Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison, mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod, at iba pang mga opisyal. |
![]() Hindi na hadlang ang kawalan ng malaking pondo para hindi magkaroon ng disente at maayos na seremonya ng kasal ang mga magsing-irog. Sa taunang Kasalang Bayan na proyekto ng Pamahalaang Lungsod, malaking tulong ang libreng kasal at kaunting salu-salong inihahanda sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, katuwang ang City Civil Registry na pinamumunuan ni Ms. Arlene Bugtong Ginanap ang Kasalang Bayan nitong ika-12 ng Hulyo, 2019 sa General Trias Cultural and Convention Center kung saan (number) couples ang pinag-isang dibdib. Katulad ng seremonya ng nakaraang mga taon, naging masaya at memorable ang sabayang kasalan ngayon na kumpleto ang paghahanda. Maging ang photo and video coverage at catering ay pinaglaanan para sa mga bagong mag-asawa. Dahil minsan lamang sa buhay ang pagpapakasal, sinigurado ng Pamahalaang Lungsod na na-capture at talagang espesyal ang mahalagang okasyong ito para sa mga kinasal at sa kanilang mga pamilya. |
![]() Ika-23 ng Hunyo, 2019 – Muling nagsama-sama ang buong Team GenTri sa General Trias Cultural and Convention Center para namumpa sa kani-kanilang tungkulin bilang mga bagong halal na mga lider ng Pamahalaang Lungsod. Kabilang sa mga nanumpa, kasama ang kanilang mga pamilya, sina: Hon. Luis ‘Jon-Jon” A. Ferrer, IV – Representative, 6th District of Cavite Hon. Kerby Salazar – Member, Sangguniang Panlalawigan, 6th District of Cavite Sa kanyang mensahe, ipinarating ni Mayor Ony ang kanyang pasasalamat sa patuloy na suporta ng mga mamamayan sa kanilang liderato. Inilatag din niya ang mga programang nais niyang tutukan at masolusyunan sa susunod na tatlong taon na bubuo ng kanyang huling termino bilang Punong Lungsod. Kasama dito ang pangangalaga sa kalikasan, kapayapaan at kaayusan, kahandaan sa sakuna, at lalong pagpapayabong ng pagnenegosyo. Para dito, hiniling din niyang muli ang suporta ng Sangguniang Panglungsod para maisakatuparan ang mga naturang programa sa pamamagitan ng mga kaukulang ordinansa. |
![]() Nakagawian na ng iba’t ibang sektor ng pamayanang GenTri ang magbayanihan bago magsimula ang pasukan sa mga paaralan sa pamamagitan ng Brigada Eskwela. Ngayong taon, sa ilalim ng temang Matatag na Bayan Para sa Maunlad na Paaralan, pinangunahang muli ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagpapakita ng buong suporta para sa Brigada Eskwela na ginanap mula ika-20 hanggang ika-25 ng Mayo. Kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Panglungsod at kawani, nag-ikot si Mayor Ony sa iba’t ibang paaralan upang maghatid ng mga donasyon kagaya ng pintura at iba pang kagamitang kinakailangan para sa Brigada. |
![]() Ang opisyal na resulta ng nakaraang May 13 Local Election ay repleksyon ng pagkakaisa ng mga Gentriseño. Malinaw na ang pulso ng General Trias ay maipagpatuloy ang mga adhikain ng Team GenTri. Ang pagiging unopposed ng mga pinakamatataas na posisyon sa lokal na pamahalaan na kasalukuyang hawak nina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at Vice Mayor Maurito “Morit” A. Sison, maging ang posisyon ng Kinatawan sa Kongreso ng bagong ika-Anim na Distrito ng Cavite (General Trias), Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, ay malinaw na indikasyon ng malaking tiwala ng mga mamamayan sa kakayahan at kalidad ng pamumuno ng Team Gentri. Mula naman sa sampu ay nadagdagan ng dalawa pang miyembro ang Sangguniang Panglungsod. Nanguna sa listahan si Konsehal Jonas Labuguen na sinundan nina Konsehal Gary Grepo, Konsehal Claire Campaña, Konsehal Jowie Carampot, Konsehal Kristine Perdito, Konsehal Gani Culanding, Konsehal Jay Columna, Konsehal Tey Martinez, Konsehal Florencio Ayos, Vivencio Lozares, Jr., Konsehal Richard Parin, at Konsehal Hernando Granados. Samantala, sa Provincial Level naman ay panalo sa puso ng mga Gentriseño si Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla at Vice Governor Ramon “Jolo” Revilla. Kinatawan sa Sangguniang Panlalawigan sina Board Member Kerby Salazar at Board Member Jango Grepo. Inaasahang manunumpa sa kanilang mga katungkulan ang mga bagong halal sa darating na ika-28 ng Hunyo. |
![]() Ang mga nakatatanda sa ating komunidad ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa marami nating kababayan. Hindi lamang sila paalaala na dapat nating pangalagaang mabuting ang ating kalusugan kundi larawan din sila ng biyaya ng Diyos na patuloy na nagbibigay sa kanila ng buhay at kalakasan. Kaya naman patuloy din ang ating Pamahalaang Lungsod sa pagkilala at pagbibigay ng espesyal na regalo sa ating mga centenarians. Nitong ika-20 ng Mayo ay isa na namang senior citizen ang binigyang parangal ng Pamahalaang Lungsod. Sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, kasama sina Vice Mayor Morit Sison at mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod, hinandugan si Lola Estefania Sareal Monton ng Barangay Bacao II ng tsekeng nagkakahalaga ng Php 100,000. Sinamahan si Lola Estefania ng kanyang mga kapamilya sa pagtanggap ng pagkilala at regalo sa kinagawiang Monday Flag Raising Ceremony ng Pamahalaang Lungsod. |
![]() Bilang pagtugon sa patuloy na pag-usad ng teknolohiya at makaagapay sa mga pagbabagong hatid nito, ang mga mamamayan na magtutungo sa General Trias City Hall ay makakagamit na ng libreng WiFi sa loob ng 30 minuto. Ito ay matapos malagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias at Smart Communications. Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlunsod, sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Smart WiFi at PLDT Enterprise. |
![]() Galing Gentri, Gâling Gentri – Ito ang itinatanghal sa nakagawian ding taunang pagkilala sa husay ng mga kabataang Gentriseño, ang Gawad Parangal. Sa ika-60 taon nito ngayong 2019, may kabuuang 628 na kabataan ang binigyang karangalan sa naturang programa na ginanap noong ika-25 ng Abril 2019. Ang pagbibigay ng medalya at plake ay pinangunahan ng ating Kinatawan sa Kongreso, Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV at Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, kasama ang mga bumubuo sa Sangguniang Panglungsod. Nagbahagi ng kanyang mensahe siGng. Exelsa C. Tongson,Ph.D, Faculty Member ng Department of Family Life and Child Development, University of the Philippines, Diliman,Quezon,City ang Panauhing Pandangal ngayong taon. Ibinahagi niya ang kanyang mga naging karanasan upang magsilbing inspirasyon sa mga kabataan na magpatuloy sa kanilang pagsusumikap sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Gayundin sa kanilang mga mensahe, abot-abot ang pasasalamat ng magkapatid na lingkod-bayan, Congressman Jon-Jon at Mayor Ony, sa mga pinarangalan na nagiging inspirasyon din sa mga kapwa nila kabataan. Ayon sa kanila, ang karangalang nakakamit nila sa akademya at sa kani-kanilang mga larangan ay simula pa lamang ng mas marami pang tagumpay. Bilang tugon sa pagkilalang natatanggap, nagsilbi namang kinatawan ng mga honorees si Bb. Maria Regina C. Tongson,Magna Cum Laude, Bachelor of Arts in Psychology-University of the Philiipines, na nagpahayag ng kaniyang pasasalamat para sa suportang patuloy na ibinibigay ng pamahalaang lokal sa paglinang ng kakayahan at husay ng kabataang Gentriseño. |
by the Local Communications Group-Gen. Trias Ika- 1 ng Hunyo 2018 – May isandaang kabataan ang naidadagdag sa kabuang bilang ng mga nagsipagtapos sa Life Skills Training (LST) sa ilalim ng Jobstart Philippines Program. Ang graduation rites ay isinagawa sa pangunguna ng Public Employment Services Office (PESO) ng Pamahalaang Lungsod, na nangunguna rin sa implementasyon ng nasabing programa kabalikat ng Department of Labor and Employment. Ang palatuntunan ay dinaluhan ng mga panauhin mula sa DOLE kabilang na ang Keynote Speaker na si Atty. Evelyn Ramos, OIC Regional Director ng DOLE IV-A at si Bb. Amuerfina Reyes, Assistant Secretary for Employment, Legal, International and Media Affairs Cluster. Sa kanyang mensahe, ipinarating ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer sa pamamagitan ng kanyang kinatawan, Atty. Kristine Perdito, ang kanyang pagbati sa mga nagsipagtapos. Ipinaabot din niya ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga ahensyang katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa implementasyon ng JobStart Philippines Program: ang Asian Development Bank (ADB), Government of Canada, DOLE, at mga partner employers. |
by the Local Communications Group-Gen.Trias Disyembre 2017 – Kasabay ng pagdiriwang at kasiyahang hatid ng Kapaskuhan ay puno rin ng mga makabuluhan programa at aktibidad ang buwan ng Disyembre para sa mga GenTriseño. Ang General Trias ay kilala bilang isa sa mga older towns ng Cavite na may makulay na kasaysayan at mayamang kultura, kaya naman sa kanilang paggunita ng ika-269 taon ng pagkakatatag nito ay saya at serbisyo ang hatid ng Pamahalaang Lungsod para sa lahat. Mga naggagandahang mga lakambini ang nagbukas ng week-long celebration noong ika-7 ng Disyembre. Dalawampu’t pitong mga dilag mula sa iba’t ibang barangay ng Lungsod ang nagpamalas ng kanilang angking ganda, talento at talino sa Binibining General Trias Coronation Night. Hinirang na 3rd Runner Up si Bb. Jerline Ardoña ng Brgy. Tejero, 2nd Runner Up si Bb. Jamaica Trias ng Brgy. Bagumbayan, at 1st Runner Up si Bb. Kathleen Dela Cruz ng Brgy. San Francisco; samantalang iniuwi naman ni Ms. Angelika Margareth James ng Brgy. Prinza ang titulo bilang Binibining General Trias. Sa pamamagitan naman ng Public Employment Services Office (PESO) ay idinaos ang My One and Only Job Fair sa Robinsons Place noong ika-8 ng Disyembre. Dito ay nagbukas ng maraming oportunidad pang-empleyo para sa mga GenTriseño at taga-kalapit bayan na hindi lamang pang-lokal kundi maging pang-overseas. Tinatayang may 1,590 mga jobseekers ang nabigyan ng tulong para magkaroon ng bagong trabaho sa natapos na job fair. Napuno ng musika ng kilalang OPM band na Aegis ang gabi ng ika-10 ng Disyembre dahil sa free concert na inihandog ni Cong. Jon-Jon Ferrer. Sinabayan ng mga GenTriseño ang banda sa kanilang pagbirit ng mga Aegis hits kabilang na ang “Ulan,” “Luha,” at “Sayang na Sayang” sa General Trias Convention Center. Dahil itinuturing silang mga katuwang sa pag-unlad ng Lungsod, muling hinandugan ng pagkilala ang mga mamumuhunan ng General Trias sa idinaos na Investors’ Day sa Bayleaf Hotel noong ika-11 ng Disyembre. Kabilang sa Top Ten Real Property Taxpayers ang mga sumusunod: Analog Devices, Gateway Property Holdings, Steniel Cavite Packaging Corporation, Telford Property Management, Inc., Magnolia Inc, SMC Yamamura Fuso Molds, Can Asia, Unilever Philippines, Purefoods Hormel, at Property Company of Friends, Inc. Samantalang ang mga sumusunod naman ang kinilalang Top Ten Business Taxpayers ng Lungsod: Analog Devices Gen. Trias, Inc.House Technology Industries,The Purefoods Hormel Corp.,Property Company Of Friends, Inc.,Schneider Electric(American Power Conversion),Jae Philippines Inc.,Maxim Phils. Operating Corp.,Cypress Mfg. Limited, Inc.,Unilever Philippines Inc. at Antel Holdings (Gen. Trias), Inc. Hinandugan naman ng mga regalo ang mga kababayan nating diffently-abled o may kapansanan sa isang espesyal na programang inihanda rin ng Pamahalaang Lungsod sa Convention Center. Masayang palaro, kantahan at sayawan ang nagsilibing highlight ng programa kung saan dumalo rin ang Punong Lungsod, Mayor Ony Ferrer, at kanyang mga kasama para personal na maibigay sa mga beneficiaries ang kanilang mga regalo. Sa mismong araw ng pagkakatag ng Lungsod, ika-12 ng Disyembre, ay nagdaos ng isang Misa ng Pasasalamat sa St. Francis of Assisi Parish Church ang Pamahalaang Lungsod sa pangunguna nina Congressman Jon-Jon, Mayor Ony, Vice Mayor Morit at mga konsehal. Maging ang mga kawani ay naglaan din ng oras para manalangin at makiisa sa pasasalamat. Opisyal ding binuksan ang pagdiriwang ng pinaghandaang Valenciana Festival sa ganap ng 1:00 ng hapon sa pamamagitan ng masiglang Street Dancing contest at Grand Parade of Floats. Kitang kitang puno ng talento ang General Trias sa mga naghuhusayang pag-indak ng iba’t ibang grupo kung saan nagwagi ang Colegio De San Francisco. Sa huling araw ng pagdiriwang noong ika-13 ng Disyembre at ika-269 anibersaryo ng pagkatkatatag ng General Trias bilang San Francisco de Malabon ay inalayan ng bulaklak ang monumento ni General Mariano Trias bilang pagbibigay-pugay sa Heneral at bayani ng kasaysayan kung kanino isinunod ang pangalan ng Lungsod. Kilala din ang GenTri sa masarap na luto ng arroz valenciana kaya’t sa ganap na 1:00 ng hapon, sinimulan ang isa sa mga pinakahihintay ng lahat, ang Valenciana Cooking Competition, na bumusog sa mga GenTriseño. Bukod kina Cong. Jon-Jon, Mayor Ony, at mga kasama, isa sa mga naimbitahang hurado ang kilalang chef at model na si Chef Gerick Manalo. Mula sa tatlumpu’t tatlong kalahok ay nagwagi ang luto ng taga Brgy. Sta. Clara. Nagsilbi namang exhibit ng pagiging malikhain ng mga GenTriseño ang plaza dahil sa 16 na mga parol na gawa sa iba’t ibang recyclable materials sa Parol Making Contest. Matapos ang masusing pagpili ay hinirang na panalo ang Brgy. Javalera na gawa sa diyaryo. Sinundan ito ng isa na namang espesyal na programa para sa mga kabataan na inihanda ng Pamahalaang Lungsod katuwang ang JCI General Trias Katipunan, ang Pick a Name, Bless a Child Gift Giving Project. Bilang pagtatapos ng selebrasyon ay sama-sama ang lahat sa town plaza para pailawan ang giant Christmas Tree na naging hudyat ng pagidiriwang ng Kapaskuhan ng Lungsod bilang isang malaking pamilyang nabubuklod sa diwa ng pagtutulungan, malasakit at pag-ibig para sa ating One and Only GenTri.
|
by the Local Communications Group-Gen.Trias Ika-27 ng Oktubre 2017 – Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlungsod ng General Trias sa pamumuno ni Mayor Antonio A. Ferrer, tanggapan ni Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV ng Ika-6 na Distrito ng Cavite at ng JCI Katipunan, matagumpay na muling idinaos ang Youth Leaders’ Summit (YLS) sa General Trias Convention Center. Sa ilalim ng temang “Young Caviteños, Partners in Fulfilling Change,” kinilala ang kakayahan at mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagpapatupad ng mga pagbabagong lalong magpapaunlad sa lipunan. Layunin ng summit na palalimin pa ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa mga napapanahong isyu at ihanda sila para sa matapat at epektibong pamumuno ng susunod na henerasyon. Sa unang taon ng summit, mga kabataang Gentriseño lamang ang naging kalahok nito; ngunit habang tumatagal ay lumalawak ang saklaw nito at sa ika-anim na taon nga ng pagdaraos ay kabahagi na rin ng summit hindi lamang ang mga kabataan mula sa mga bayan ng Ika-anim na Distrito ng Cavite, kundi mula sa iba’t ibang bayan pa ng buong lalawigan. Humigit-kumulang sa isang libong youth leaders ang nagkatipon-tipon, natuto at nakilahok sa makabuluhang diskusyong hatid ng limang primyadong tagapagsalita. Bilang panimula ay mainit na tinaggap ni Mayor Ony Ferrer ang mga kabataang nagsidalo sa summit. Binigyang-diin niyang ang ganitong tipo ng mga programa ay inilalaan talaga nilang mga lingkod-bayan sa mga kabataan sa paniniwalang malaki ang maitutulong nito para sa kinabukasan hindi lamang nila kundi ng buong bansa. Nagbigay din ng kanilang mga mensahe sina Congressman Jon-Jon Ferrer at Vice Mayor Morit Sison na nagpahayag ng kanilang buong suporta para sa ikauunlad ng mga kabataang Caviteño. Umpisa pa lamang ng summit ay puno na ng inspirasyon at wise advise mula kay Ginoong Francis Kong na sa isa sa mga pinaka-respetadong business speakers sa bansa ngayon. Ayon sa kanya, ang mga desisyon at mga bagay na ginagawa natin sa kasalukuyan ang magiging daan kung ano ang haharapin bukas. Sinundan ito ng pagbabahagi ng karanasan ni Bb. Ma. Ana Theresa Cruzate, na mas kilala sa kanyang penname na The Lady in Black. Bilang isang batang nobelista, hinimok ni Bb. Cruzate ang mga kabataan na huwag hayaang maging hadlang ang mga hamon sa buhay at pagsumikapang abutin ang kanilang mga pangarap. Ganito rin ang tema ng mensahe ni Ginoong Billy Dela Fuente, CEO ng marketing group XTRM1-11. Ayon sa kanya, kailangan ng tamang pasensya at tiyaga sa bawat aspeto ng buhay, maging sa pagnenegosyo; dahil hindi laging mabilis ang pag-ani sa pamumuhunan ng pagod at lakas. Dagdag na lakas ng loob ang binahagi n’ya sa mga kabataan sa pamamagitan ng kanyang success story. Hindi rin nagpaliban si Vice Governor Ramon “Jolo” B. Revilla III sa pagkakataong makadaupang-palad ang mga kabataang Caviteño. Bilang isa sa mga pinakabatang lingkod-bayan sa lalawigan, hinikayat ni Vice Governor Jolo na patuloy na makilahok sa paghahatid ng serbisyo sa kani-kanilang mga komunidad. “Okay lang pumorma, basta’t kasama ka sa reporma,” ayon pa sa kanya. Sa huling bahagi ng programa, lalo pang pinasigla ng tagapangulo ng YesPH na si Dingdong Dantes ang mga kabataan, na sa kabila ng kasikatan niya bilang artista ay sinisiguradong may panahon din siya para makibahagi sa pagpapaunlad ng lipunan. “Diamonds are made under strong pressure. Kaya ang inyong persistence at resourcefulness, ang inyong resilience that you developed along the way will not only allow you to thrive in spite of challenges but also make you a better and strong person,” aniya. |
by the Local Communications Group-Gen.Trias Setyembre 7, 2017 – Nilagdaan nina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at Governor Jesus Crispin “Boying” C. Remulla ang kasunduan o Memorandum of Agreement na pinagtitibay ang paglilipat ng buong pamamahala ng General Trias Medicare Hospital mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite patungo sa Pamahalaang Lungsod ng General Trias. Ang General Trias Medicare Hospital na isang primary health care facility ang nag-iisang pampublikong ospital sa lungsod na pangunahing nagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga Gentriseño, lalo sa mga lubos na nangangailangan. Ito ay naitatag sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan bilang isa sa mga satellite hospitals ng Provincial Health Office (PHO), kung kaya’t ang pangangasiwa at operasyon nito nasa ilalim din ng PHO. Ang pagpapahayag ng lokal na pamahalaan ng General Trias ng kanilang insiyatibong pamahalaan ang Medicare at patakbuhin ito gamit ang pondo ng lungsod ay kinilala ng Gobernador at matapos ang ilang pag-aaral ay inapubrahan ang turnover process. Kabilang sa kasunduan ang paglilipat ng pagmamay-ari ng Medicare sa lungsod, ang pangkalahatang pangangasiwa nito, ang staffing at operations. Bagama’t hindi naman nagkaroon ng problema sa operasyon ng Medicare, ang dati nitong katayuan bilang isang satellite hospital ay nagtatakda ng ilang limitasyon sa saklaw ng pamahalaang lungsod sa pagpapatakbo nito. Sa magandang pagbabagong ito, aasahang mas magiging epektibo at mahusay ang paghahatid ng serbisyo sa mga Gentriseño dahil maari na rin nitong ipatupad ang mga programang pangkalusugan ng Pamahalaang Lungsod.
Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen.Trias Isang malaking tulong sa pagnenegosyo sa panahon ngayon ang internet. Hindi tulad noong mga nakaraang panahon na kakailanganin pa ng isang negosyante na dalahin sa pamilihan o personal na ilako ang produkto para makilala at mabili ito, basta mayroon kang internet at social network account ngayon ay mas mabilis nang makikilala ang produkto o serbisyong iyong nais pagkakitaan. Pero ang tamang paggamit ng internet para sa pagnenegosyo ay kailangan ding matutunan, kasama na ang mga iba’t ibang paraan o strategies para maabot ng mga nagnenegosyo ang kanilang target market. Kaya naman sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias, sa pamumuno ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, sa Department of Trade and Industry Cavite Provincial Office (DTI Cavite), ay naimbitahan si Bb. Jolly Ventura, Marketing Head ng Gardenia Philippines, para magbigay ng dagdag kaalaman sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs). Ang Introduction to Online Marketing ay ginanap noong ika-25 ng Agosto 2017, 1:00 – 5:30 ng hapon sa Robinsons Place General Trias activity center at dinaluhan ng 49 na MSMEs. Ito ay bahagi din ng SME Roving Academy (SMERA) ng DTI. Sa kanyang presentation, ibinahagi ni Bb. Ventura kung anu-ano ang mga platform na maaring gamitin sa lalong mapalawak ang abot ng produkto, kabilang na ang social media tulad ng Facebook at Instagram. Ang personal branding o paraan ng pagbuo ng image ng isang masipag, pursigido at mapagkakatiwalaang entrepreneur sa katauhan ng nagnenegosyo ay isa ring mahalang sangkap para mas medaling maibenta ang serbisyo o produkto. Kasama rin sa strategies ang Search Engine Optimization (SEO) at Content Marketing tulad ng blogging at video blogs. Sa modernong panahon, tama lamang na pag-aaralan ang iba’t ibang paraan kung paano makakasunod sa pagbabago at teknolohiya ang pagnenegosyo. Hindi dapat ito maging hadlang kundi dapat na gamitin para sa lalong ikauunlad ng hanapbuhay o mga pinagkakakitaan. At para dito, hindi rin naman magsasawa ang lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa mga MSMEs na kabilang sa mga pangunahing bumubuhay sa ekonomiya ng bansa at ng ating One and Only GenTri. |
by the Local Communications Group-Gen. Trias Ika-28 ng Hulyo 2017 –Sa ika-apat pagkakataon ay pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias, sa ilalim ng pamumuno ng Punong Lungsod Antonio “Ony” A. Ferrer, ang graduation ceremony ng 295 kabataang nagsipagtapos ng Life Skills Training (LST) sa ilalim ng JobStart Philippines Program. Ang programang ito na bunga ng pagtutulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Asian Development Bank (ADB), Canadian Government, at ng Pamahalaang Lungsod at ng General Trias sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) ay naglalayong pataasin ang employment rate ng lungsod at matulungan ang mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan, na makahanap ng maayos at pangmatagalang trabaho. Dumalo bilang panauhing pandangal sa seremonya na ginanap sa Robinsons Place General Trias si Kgg. Karlo Alexei B. Nograles, Kinatawan sa Kongreso ng Unang Distrito ng Lungsod ng Davao. Sa kanyang talumpati ay malugod na binati ni Congressman Nograles ang mga nagsipagtapos, maging ang Pamahalaang Lungsod sa pagkakaroon nito ng mababang unemployment rate. Dumalo rin sa programa ang mga kinatawan mula sa DOLE, G. Alex V. Avila, Assistant Secretary for Employment and Policy Support, Bb. Zenaida A. Angara-Campita, Regional Director for CALABARZON, at Engr. Ignacio S. Sanqui, Jr.; G. Brian Post, First Secretary (Development) ng Embahada ng Canada; G. Robert Boothe, Public Management Specialist ng ADB; G. Ariel M. Mugol, PESO Manager ng General Trias; at Gng. Anne Ferrer, na kumatawan sa kanyang asawa, Mayor Ony Ferrer. Naroon din para makiisa ang iba’t ibang partner employers kabilang ang Scope Global PTY. LTD., ASTI Telford Svc. Philippines, Inc., CS Garment, Inc., Se Fung Apparel, Inc. at Mistuba Philippines Corporation. Ang lahat ng mga nagsipagtapos ay binubuo ng walong grupo na sumailalim sa sampung araw ng Life Skills Training sa iba’t ibang training centers kung saan sila ay binigyan ng karagdagang kaalaman tungkol sa iba’t ibang praktikal na kasanyang magagamit nila hindi lamang para sa kanilang magiging trabaho kundi maging sa pang-araw-araw na buhay. Sa bawat grupo ay may tumanggap ng mga special awards tulad ng Model Jobseeker, Leadership Award, Most Improve Jobseeker, Perfect Attendance at No Tardiness. Matatandaang isa ang Lungsod ng General Trias na hinirang maging pilot implementer ng naturang programa noong 2014 at sa kasalukuyan nga ay patuloy ito sa pagsisilbi bilang tulay ng empleyo para sa marami. Aasahang marami pang kabataan, GenTriseño at mula sa mga karatig bayan, ang makikinabang sa pagtutuloy-tuloy ng JobStart Philippines Program. |
by the Local Communications Group-Gen.Trias Ika-30 ng Hunyo 2017 – Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa pamumuno ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Office of the Honorable Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, IV, ng ika-6 na Distrito ng Cavite, at ng City Agriculture Office, ay muling ginanap ang taunang awarding of loans na kaakibat ng Plant Now, Pay Later Program para sa mga magsasakang GenTriseño. Ika-14 na taon na ngayon ng programang ito sa lungsod na layuning patuloy na mabigyan ng suporta ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapahiram ng puhunan nang walang interes. May 117 na magsasaka ng lungsod ang hinandugan ng tulong-puhunan na maari nilang magamit na pambili ng punla, pataba, pambayad sa mga manggagawa at para sa iba pang gastusin kaugnay ng kanilang pagsasaka. Tinatayang umabot sa PHP 702,000 ang kabuuang halaga ng naipahiram na tiyak na magagamit sa makabuluhang mga gawaing makakatulong hindi lamang para sa kabuhayan ng mga magsasaka kundi para na rin sa pagpapanatili ng sapat na supply ng pagkain sa lungsod. Sa kanyang maikling mensahe, ipinahayag ni Cong. Jon-Jon Ferrer na, katuwang ang Punong Lungsod ay, patuloy silang magsusumikap para madagdagan pa ang halagang ipahihiram sa mga magsasaka sa susunod na taon mula sa anim na libo upang maging walong libo para sa bawat magsasaka. Kasabay ng pag-a-award ng tulong-puhunan ay tumanggap din ng organic fertilizer ang mga magsasaka upang masimulan at maisulong din sa pamamagitan nila ang sistema ng organic farming sa lungsod. Sa paraan ng organic farming, mas makakatiyak tayo na ligtas at dekalidad ang mga produkto at aning magmumula sa mga taniman ng mga magsasakang GenTriseño. |
by the Local Communications Group-Gen.Trias Ika-21 ng Hunyo 2017, Amanda’s Resort, Tanza, Cavite – May mahigit sa 600 na kawani na kinabibilangan ng mga barangay health officers, barangay health workers, nutrition scholars, barangay service point officers, Children and Women’s Desk officers, at day care workers ang hinandugan ng pagkilala at pasaya ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at Konsehal Kerby Salazar, tagapangulo ng Committee on Health, Nutrition and Population ng Sangguniang Panglungsod. Sa isang buong maghapon ng kasiyahan at relaxation, hangarin ng mga lider ng lokal na pamahalaan na bigyang pugay ang mga tinaguriang frontliners natin sa social and health services. Bilang mga kawani na direktang nakikipag-ugnayan sa mamamayan, ang mga serbisyo ng pamahalaan ay naihahatid sa mga komunidad sa pamamagitan nila. Umulan o umaraw, maging ang pinakasulok ng lungsod ay sinisikap nilang marating upang tiyaking ang lahat ng GenTriseño ay naaabot ng mga serbisyong panlipunan at pangkaunlaran. Nag-enjoy ang lahat sa programa, palaro, zumba, at raffle na inihanda ng Team GenTri. Masayang nakihalubilo sina Congressman Jon-Jon Ferrer, Mayor Ony Ferrer, Vice Mayor Morit Sison at Konsehal Kerby Salazar sa ating mga huwarang workers. Sa kanilang mga mensahe, abot-abot ang pagsaludo nila at buong pusong pasasalamat sa mga kawani para sa kanilang hindi matatawarang dedikasyon at serbisyo. Dagdag pa nila, ang pagdaraos ng workers’ day ay isang munting handog lamang upang mabigyan ang ating mga workers, na tinaguiran ni Cong. Jon-Jon na makabagong bayani ng lungsod, ng well-deserved break mula sa araw-araw nilang gawain. Ayon pa kay Mayor Ony, bukod tanging GenTri lamang ang natatanging lungsod sa Pilipinas na may ganitong programa at maasahan ng ating mga workers na ito ay ipagpapatuloy pa sa mga darating na taon. Taos-pusong pasasalamat din ang isinukli ng mga nagsidalo sa ating Pamahalaang Lungsod. Ayon sa kanila, nakakataba ng puso ang natanggap nilang pagkilala ng mga lider ng lungsod sa kanilang mga efforts. Bukod sa nakapag-relax sila ay nagkaroon din sila ng pagkakataong makahalubilo at makipagtawanan sa mga kapwa nila kawani mula sa iba’t ibang komunidad ng GenTri. Tiyak na isa na naman ang proyekto ito sa mga magiging tradisyon ng pagkilala sa GalÍng GenTri, Galing Gentri. |
by the Local Communications Group-Gen.Trias Ika-12 ng Hunyo 2017 – Sa ganap na ika-walo ng umaga sa pangunguna ng General Trias City Component Police Station, ay ginunita ang kabayanihan ni General Mariano Trias kaugnay ng pagdiriwang ng ika-119 Taon ng Kasarinlan ng Pilipinas. Nagkaroon ng maikling seremonya ng wreath laying sa bantayog ng Heneral sa sentro ng lungsod matapos ang special flag raising ceremony. |
by the Local Communications-Gen.Trias Ang pagsisimula ng sariling negosyo ay hindi biro. Bukod sa produkto o serbisyo, pwesto, manggagawa, at puhunan, napakarami pang kailangang pagplanuhan ng isang taong gustong magbukas ng kanyang pagkakakitaan. Kung kaya naman talagang napapasaludo ang ating pamahalaan sa mga indibidwal na may innovative ideas at lakas ng loob na makipagsapalaran sa pagnenegosyo. Sa pamamagitan kasi ng mga micro, small, medium enterprises o MSMEs, lumalakas ang ekonomiya hindi lamang ng lungsod kundi maging ng buong bansa. Isa sa mga challenging tasks ng pagiging isang entrepreneur ay ang accounting ng kanilang pananalapi. Para sa mga MSMEs, lalo na sa mga nagsisimula pa lamang at wala pang sapat na kinikita para kumuha ng dagdag na tauhan para sa aspetong pinansyal, ang mismong may-ari ng negosyo ang nagsisilbing bookkeeper and accountant. Mahalagang ang pananalaping ginagamit sa pagnenegosyo ay sumasailalim sa proper accounting para malaman kung ang negosyo ba ay kumikita nang sapat at nagiging makabuluhan para ipagpatuloy. Ang aspetong ito ng pagnenegosyo ay hindi dapat ipinagwawalang-bahala dahil sa pamamagitan nito, may tamang recording system kung saan makikita ng negosyante kung saan napupunta ang puhunan at kita ng kanyang negosyo. Kaya naman noong nakaraang ika-25 ng Abril 2017, sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod at Department of Trade and Industry Cavite Provincial Office, isinagawa ang seminar na Accounting For Non-Accountants and BIR Reportorial Requirements sa pamamagitan ng DTI SME Roving Academy (DTI SMERA) sa Audio-Visual Room ng bulwagang lungsod. Ito ay dinaluhan ng 60 MSMEs ng General Trias kung saan tinuruan sila ng mga tamang techniques at dapat tandaan sa basic bookkeeping and preparation of basic financial statements. Nagsilbing resource speaker ng seminar sina Mr. Sonny Boy Lamabarte, CPA mula sa Bureau Internal revenue at Ms. regina Fabian-Ramirez, CPA mula sa De La Salle University. Sa panimulang programa ay ibinahagi din ng mga kasamahan natin sa BIR ang mga dokumentong kinakailangang ipasa sa Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang mga negosyanteng nagbabayad ng tamang buwis. Dinaluhan din ang programa nina Konsehal Florencio P. Ayos, Committee Chair for Commerce, Trade and Industry ng Sangguniang Panglunsod, Mayor Ony Ferrer at Vice Mayor Morit Sison na kapwa nagbigay ng kanilang mga mensahe para sa mga participants. Sa pagtatapos ng seminar, nag-iwan ng words of challenge ang si Ms. Julieta Salvacion – Trade and Industry Specialist, DTI-Cavite para sa mga nagsidalo. Nagpasalamat din siya sa ginawang pagkakataon ng Pamahalaang Lungsod para sa pagkakataong makatulong sa mga MSMEs ng General Trias. Tunay na naging produktibo ang ginawang seminar at inaasahang magagamit nang husto at magiging kapakipakinabang para sa mga nagsidalo ang kanilang mga natutunan mula dito. Gayundin, mananatiling maigting ang suporta ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Ony Ferrer, para sa mga negosyanteng Gentriseño patungo sa lalong pag-unlad hindi lamang ng kanilang mga negosyo kundi ng buong lungsod.
|
by the Local Communications Group-Gen.Trias Isang buong linggo ang inilaan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias para sa pag-alaala sa mga war veterans sa pagdiriwang nito ng ika-75 Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans Week noong ika-5 hanggang ika-11 ng Abril 2017. Dala ang temang “Tungo sa Bayan na nararapat para sa Pilipino, mga Pilipinong nararapat sa Bayan,” muling binigyan ng pagkilala ang mga Beteranong Gentriseño kabilang sina Brig. Heneral Magno S. Iruguin, Bataan USAFFE Defenders at Toledo Bus Drivers na naghatid ng mga sundalo. Sila ang mga lolo’t lola na noong araw ay naging aktibong kabahagi sa miltanteng pakikibaka ng mga Pilipino sa iba’t ibang resistance movements na kinailangan ng Bayan. Dahil sa kanilang tapang at paninindigan, tinatamasa natin ngayon ang kasarinlan at mapayapang pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa. Nagkaroon din ng wreath laying noong ika-10 ng Abril 2017 sa Bantayog ng mga Bayani at magigiting na Gentriseño sa city plaza sa city plaza bilang pag-alala sa mga naunang mga beterano sa pangunguna ni Mayor Ony Ferrer, Vice Mayor Maurito Sison,mga konsehal ng Lungsod at P/Supt. Zandro Jay Tafalla-OIC,Chief of Police. Ang tradisyong ito ay mananatiling buhay na tanda ng malaking respeto at pagtanaw ng utang na loob ng Lungsod sa mga magigiting nating beterano na naglaan ng kanilang oras, dedikasyon at buhay para kapakanan nating mga sumunod na henerasyon.
Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen. Trias Hudyat ng simula ng summer at dry season ang buwan ng Marso, kung saan din madalas na nagtatala ng maraming insidente ng sunog dahil sa init ng panahon. Kung kaya naman noong panahon ng Pangulong Marcos noong 1966, sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 115, idineklara ang Marso bilang Fire Prevention Month na hanggang ngayon ay nakagawian na ng marami at naging taunan nang pinaka-aktibong kampanya ng Bureau of Fire Protection (BFP). Sa ilalim ng temang “Buhay at Ari-arian ay Pahalagahan, Ibayong Pag-iingat sa Sunog ay sa Sariling Pamayanan Simulan,” punong-puno ng activities ang kampanya ngayong taon sa pangunguna ng General Trias City Fire Station (GTCFS) na pinamumunuan ni F/Senior Insp. Ariel C. Avilla. Buong-buo naman ang suporta ng ating Punong Lungsod, Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga kasapi ng Sangguninang Panglungsod. Ang kahandaan at kaalaman laban sa sunog ay napakahalaga para sa prevention at pagsugpo nito. Kaya’t bago pa man magsimula ang Marso ay nagkaroon na ng Fire Brigade Refresher & Training sa mga Barangay ng GenTri. Aktibong lumahok ang GTCFS sa provincial kick off ceremony noong March 2, at sa iba’t iba pang aktibidad ng mga bumbero sa buong lalawigan kabilang na ang zumba run, at BFP fun bike na pinangunahan ng Dasma Fire Station na isinagawa sa ikalawang linggo ng Marso. Para naman mapaigting ang kampanya sa mga paaralan ay naglunsad noong February 26 ng poster making, essay writing and drawing contests ang GTCFS. Nagwagi sa city level sina Heron Shazzar Diño ng Pasong Camachile Elementary School at Russel Jobsdher Glorioso ng Manggahan Elementary School na sumali at nagwagi rin sa provincial level ng mga nasabing contests. March 6 isinagawa ang kick-off ceremony para sa selebrasyon ng fire prevention month sa General Trias. Kasabay nito ng pagtanggap ng GTCFS ng plake ng pasasalamat mula sa HTI na matatandaang napinsala ng malaking sunog noong nakaraang buwan. Nagkaroon din ng awareness campaign kasama ang fire marshall mascot na si Berong Bumbero sa Diego Mojica Memorial School. Buong buwang rumonda ang fire trucks ng city fire station sa lungsod kasabay ang mga house-to-house fire safety inspections, pamimigay ng info leaflets at mga ugnayan sa barangay. Nagsagawa din sila ng Barangay and Industrial Fire Brigade Competition kung saan may simulation ng pagsugpo ng sunog at iba’t ibang palaro kaugnay nito. Nakilahok din sila sa selebrasyon ng Women’s Month bilang suporta sa mga kababaihan at nagsagawa ng Gender Awareness and Development: Firefighting Skills Refresher and Training noong March 18. Sa sipag at sigasig ng ating mga bumbero sa kanilang propesyon, tunay na mapapanatiling ligtas ang ating One and Only Gentri! |
by the Local Communications Group-Gen.Trias December 12, 2016 – Pormal na kinilala sa Monday Flag Raising Ceremony ang bagong sagisag ng Lungsod ng General Trias. Kasunod ng watawat ng Pilipinas, itinaas at iwinagayway ang bagong sagisag bilang pagpapasinaya dito bilang Official Seal of the City of General Trias. Kung ikukumpara sa lumang sagisag, ang mga sumusunod ang mga bagong element, na itinuturing na distinguishing features ng Lungsod at ang kanilang mga kahulugan: General Mariano Closas Trias – ang unang Pangalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas kung kanino isinunod ang pangalan ng Bayang ito; Buildings in the background – sumisimbolo sa kahandaan ng General Trias sa industriyalisasyon at patuloy na pag-unlad patungo sa pagiging isang First Class Component City ng bansa; General Trias City Hall – tahanan ng Lokal na Pamahalaan kung saan maasahan ang maayos at dekalidad na serbisyo para sa mga mamamayan; St. Francis of Assisi Parish Church – ang unang simbahang katoliko sa lungsod kung saan isinunod ang dating pangalan nitong “San Francisco De Malabon,” at isa sa mga pinakamatandang simabahan sa lalawigan; 1748 – Taon ng pagkakatatag bilang Bayan ng San Francisco De Malabon 145 – posisyon ng Lungsod bilang ika-145 na siyudad sa Pilipinas MMXV – Roman numerals for 2015 – Taon ng pagkakatatag ng Bayan bilang Lungsod 33 Stars – sumasagisag sa 33 barangay na bumubuo sa Lungsod Sa bagong sagisag ay nandoon pa rin ang palay, labong (bamboo shoots) kung saan hango ang “Malabon”, ang coat of arms na dala ang kulay ng watawat ng Pilipinas, at ang Casa Hacienda De Tejeros na itinuturing na isa sa mga pinakamahalagang lugar sa kasaysayan ng bansa kung saan naitatag ang Pamahalaang Rebolusyunaryo noong 1897. Sa pagpapatibay ng City Ordinance 16-15, ang new official seal na ang gagamitin para sa mga official documents, stationeries, poster, at iba pang mga katulad na gamit at material ng Pamahalaang Lungsod.
Photo by: Dennis Abrina
|
by the Local Communications Group-Gen.Trias
Ang mga mamumuhunan ng isang bayan ang nagsisilbing testimonya kung ito ay isa ngang magandang lugar para paglagyan ng negosyo. Ang tiwalang ibinibigay ng mga korporasyon at malalaking pagawaan sa isang lokalidad ay nakakatulong para sa pag-unlad ng bayan at ng mga mamamayan nito sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga trabaho at pagbabayad nila ng lokal na buwis. Kaya naman nitong December 9, 2016, muling kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias ang Top Ten Corporate Taxpayers ng lungsod sa isang simpleng seremonyang ginanap sa Bayleaf Hotel, Brgy. Manggahan, sa pangunguna ng ating Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito Sison at mga Konsehal. Nagbigay din ng kanyang mensahe si Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer. Para sa Real Property Tax, ang mga sumusunod ay hinirang na Top 10 Corporate Taxpayers:
Ang mga sumusunod naman ang Top 10 Corporate Taxpayers para sa Business Tax:
Ang mga awardees ay tumanggap ng plaques of appreciation at special tokens mula sa Pamahalaang Bayan.
Photo by: Dennis Abrina
|
by the Local Communications Group-Gen.Trias Kaisa ng buong bansa sa pagdiriwang ng Elderly Week, isinagawa ng Pamahalaang Lungsod nitong nakaraang October 17 ang isang espesyal na programa para sa mga nakakatanda natin sa General Trias. Ito ay ginanap sa General Trias Cultural/Convention Center sa pangunguna ng mga tanggapan ng Punong Bayan, City Social Welfare and Development (CSWDO) na pinamumunuan ni Ms. Rebecca C. Generoso at Senior Citizens Affairs (OSCA)na pinamumunuan naman ng Federation President na si Ms. Purisima O. Arcega. Naroon para magbigay pugay sa mga nakakatatanda sina Mayor Ony Ferrer, Congressman Jon-Jon Ferrer, Vice Mayor Morit Sison, at mga konsehal ng Sangguniang Lungsod. Bakas ang tuwa habang aktibong nakikilahok sa progamang may temang “Pagmamahal at Respeto ng Nakababata, Nagpapaligaya sa Nakatatanda”ang tinatayang may 1020 senior citizens mula sa 51 barangay ng Lungsod. Sa kanyang mensahe, ipinahayag ng ni Mayor Ony Ferrer ang kanyang mataas na pagkilala at respeto sa ating mga seniors na inilaan ang panahon at kalakasan para sa pagtataguyod ng kanilang mga pamilya at mga mahal sa buhay. Personal na nakihalubilo at nag-abot ng kanilang handog sa mga lolo at lolaang mga lingkod bayan. Mula sa idinaos na programa, kitang kitang buo ang suporta ng Pamahalaang Lungsod sa mga nakatatanda hindi lamang sa proteksyon ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo kundi maging sa kinakailangan nilang pag-alalay sa aspeto ng kalusugan at kabuuan nilang kapakanan.
Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen.Trias Oktubre 4, 2016 – Muling ginunita ng lungsod ng Gen. Trias ang pista ng kanilang patron, San Francisco de Asis, sa pamamagitan ng iba’t ibang patimpalak at programa na sadyang nagpasaya sa pagdiriwang ngayong taon na binigyan ng temang, San Francisco: “Mukha ng Awa ni Hesus”. Naging hudyat na nalalapit na ang pista nang bayan sa pagbubukas ng Fiesta Baratillo na tumatagal hanggang isang makatapos ang buwan ng Otubre. Nasundan ito ng Grand Pasayo – isang Marching Band Competition sa ginanap sa Town Plaza noong Setyembre 29. Nilahukan ito ng 6 na banda – Mardicas Band, St. Joseph Band, St. Augustine Band, Banda Kabataan, Musical Foundation Band, at Sta. Monica Band – na lalong nagpasigla sa selebrasyon. Ginanap naman ang Nagkakaisang Kababaihan ng Gen. Trias (NKGT) Costume Competition ng mga recycled materials noong Setyembre 30 sa Robinson’s Place Gen. Trias. Nahati sa tatlong kategorya ang NKGT Competition – Goddesses/God, long gown at casual. Ang nagwagi ay pinagkalooban ng Php 15, 000 samantalang ang ikalawang pwesto ay binigyan ng Php 10, 000 at Php 7, 000 para sa ikatlong pwesto. Ang lahat naman ng sumali ay binigyan ng Php 2, 000. Ipinarada din nila ang kanilang mga magagandang likha noong Oktubre 2 sa Town Plaza. At dahil si San Francisco ay patron ng mga hayop, hindi mawawala ang Pabialahay (Pagbibinyag sa mga Alagang Hayop) na ginanap noong umaga ng Oktubre 2. Sa gabi naman ginawa ang Tugtugan sa Plaza na may temang “Rock Against Drugs” bilang kampanya na rin para sa mga kabataan na umiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Nagkaroon din ng Inter-Tropa Basketball Tournament – 20-6 Ching vs. Veronica’s Café, at Exhibition Game – Team Ony vs. Team Jon-jon na lalong nagbuklod sa mga kalalakihan ng lungsod at nagpatatag ng kapatiran sa lugar. Nanalo sa exhibition game ang Team Ony. Pinakatampok pa rin sa pagdiriwang ang taunang Karakol na ginanap noong Oktubre 3 na nilahukan ng iba’t ibang sektor ng pamayanan kasama na ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Bayan, mga miyembro ng iba’t ibang organisasyon tulad ng Senior Citizens at Nagkakaisang Kababaihan, at maging ang mga guro at mag-aaral ng iba’t ibang paaralan. Napuno ang kalsada ng masasayang tugtugin at makukulay na kasuotan. Oktubre 4, araw ng piyesta, umaga pa lamang ay maamoy na ang mga masasarap na handa ng mga Gentriseño na nagbukas ng kanilang tahanan upang magiliw na tanggapin ang kanilang mga bisita. Ang iba ay dumaan muna sa simbahan upang makilahok sa Concelebrated Mass bago pumunta sa mga kakilala at mga kamag-anak. Nagtapos ang kasihayan sa isang makulay, maingay, at magandang fireworks display sa plaza. Ang matagumpay na pagdiriwang na ito ay sa pagtutulungan nina Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Mayor Antonio “Ony” Ferrer, Sangguniang Bayan Members, Tourism Office at Saint Francis of Assisi Parish Church.
Photos by: Grace Solis
|
by the Local Communications Group-Gen.Trias Ika-22 ng Agosto, Lunes – Bukod sa kinagawiang flag raising ceremony, masayang sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ang linggo sa pamamagitan ng pag turn-over ng mga bagong patrol vehicles sa General Trias Component City Police Station (CCPS). Isa sa mga priority ng Pamahalaang Lungsod ang pagpapanatili ng peace and order kung kaya’t kasunod ng paglagda ng Manifesto of Support, dalawang Toyota Hilux pick-up trucks, tatlong Vios at isang Avanza ibinigay sa GenTri Police ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna nina Mayor Antonio “Ony” Ferrer at Congressman Luis “Jon-Jon” Ferrer ng ika-6 na Distrito. Sa lungsod na may tatlumpu’t tatlong (33) barangay, apatnapu’t limang (45) residential subdivisions, limang (5) malalaking industrial parks, at nakakasakop sa ilang major roads ng lalawigan, napakahalaga na may sapat na kagamitan para sa mobility ang kapulisan. Makakatulong nang malaki ang mga sasakyang ito upang matiyak na ang bawat sulok ng lungsod ay regular na nababantayan ng mga awtoridad. Lubos na pasasalamat naman ang ipinahayag ng ating GenTri CCPS sa pamumuno ni OIC P/Supt. Sandro Jay DC Tafalla. Sa pamamagitan ng mga ito, magkakaroon ng better community presence and visibility ang ating mga kawaning pulis at mas mahusay pa nilang magagampanan ang kanilang tungkuling “To serve and protect.” Isa ring bagong Toyota Hilux ang tinanggap ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na malaki ang kapakinabangan lalo na sa pag-responde sa mga emergency situations ngayong panahon ng tag-ulan at pagbaha. Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen.Trias “Tayong lahat po, sa ating nagkakaisang pagkilos, ang magdadala ng mas marami at mas magandang pagbabago sa ating mahal na Lungsod.” Ilan ito sa mga salitang binitawan ng ating Punong Bayan, Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, kamakailan lamang nang siya’y manumpa sa katungkulan para sa kanyang ikalawang termino. At nitong nakaraang ika-22 ng Agosto, pinangunahan niya ang buong Pamahalaang Lungsod, sa pagpapahayag ng suporta at pakikiisa sa kampanya laban sa droga, krimen at korapsyon sa pamamagitan ng paglagda sa MANIFESTO OF SUPPORT. Nilalaman ng manifesto ang pagpapahalaga ng Pamahalaang Lungsod sa pagkakaroon ng mapayapa at drug-free community at ang matibay na paniniwala sa nagkakaisang pagkilos upang maging matagumpay sa labang ito. Kalakip din nito ang pagtanggap nila ng obligasyon at responsibilidad na magsagawa at magpatupad ng mga polisiya at regulasyon na makakatulong upang sugpuin ang masasamang elementong patuloy na nagiging problema ng lipunan. Kasama ni Mayor Ony na lumagda sa Manifesto sina Vice Mayor Morit Sison, ang labing isang Konsehal ng Sangguniang Panglungsod, kabilang ang Pangulo ng Liga ng mga Barangay na si Konsehal Constancio Felizardo. Nagsilbi namang saksi sa paglagda ang Officer-in-Charge ng GenTri Component City Police Station (CCPS) na si P/Supt. Sandro Jay DC Tafalla. Kasunod nito ay ang pagbibigay ng anim na bagong patrol vehicles para sa GenTri CCPS mula sa Pamahalaang Lungsod na sinaksihan ng Kinatawan ng Ika-6 na Distrito, Congressman Jon-Jon Ferrer. Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen. Trias~Lyssa Limbo-Rodriguez July 14, 2016 – Ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City ang 4th Regional Competitiveness Summit kung saan inihayag din ng National Competitiveness Council (NCC) ang resulta ng kanilang 2016 Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI). Nakuha ng General Trias ang 3rd Place sa Overall Ranking at 1st Place para sa Economic Dynamism sa kategorya ng mga first to second class municipalities. Buong karangalang tinaggap ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagkilalang iginawad nina NCC Private Sector Co-Chair Guillermo Luz, Public Sector Co-Chair and DTI Secretary Ramon Lopez, at mga kasama. Dumalo rin sa parangal sina Cong. Luis “Jon-Jon A. Ferrer IV, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga Konsehal ng Sangguniang Panlungsod. Para sa taong ito, may 1,245 mga munisipalidad sa buong Pilipinas ang lumahok para sukatin ang performance ng kanilang mga lokal na pamahalaan pagdating sa competitiveness o ang kakayahang magdala ng pagunlad at kasaganaan sa mga mamamayan. Ito ay sinusukat ng NCC sa pamamagitan ng mga aspeto ng Economic Dynamism, Government Efficiency at Infrastructure Support. Isinasagawa nila ito bilang pagkilala sa malaking potensyal at mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan na makapag-ambag sa competitiveness ng buong bansa upang makasabay sa pandaigdigang ekonomiya. Mula nang umpisahan ng NCC ang CMCI campaign ay taun-taon nang lumalahok dito ang bayan ng General Trias. Ito ang magiging huling pagsali ng GenTri sa CMCI sa ilalim ng municipalities category dahil lilipat na ito ng kategorya sa susunod na taon bilang isa nang component city ng Cavite. Ang pakikiisa ng GenTri sa adhikaing ito ay hindi lamang para makakuha ng pagkilala kundi magkaroon din ng external evaluation ang kasalukuyang Pamahalaang Lungsod sa pagganap ng isa sa mga tungkulin nito bilang tagapaghatid ng pag-unlad sa mga mamamayan. At base sa huling ranking na natanggap nito, masasabi nating ang ating lungsod ay may very satisfactory performance, na tiyak nating mas pagbubutihin pa ng ating pinagkakatiwalaang Team GenTri sa mga susunod pang taon. Samantala, mula naman sa 9th place nito noong nakaraang taon, umakyat ang lalawigan ng Cavite sa 2nd Place bilang Most Competitive Province. Ang resulta ay ibinase ng NCC sa overall ranking ng mga lumahok na munisipalidad at component cities ng lalawigan. Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen.Trias ~Lyssa Limbo-Rodriguez Bunsod ng pagkapanalo sa nakaraang halalan nitong Mayo 2016 ng buong lapian ng mga lokal na kandidato mula sa National Unity Party (NUP) sa Lungsod ng General Trias, muling nanumpa sa kanilang mga tungkulin sina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, Konsehal Kerby, Salazar, Konsehal Jonas Labuguen, Konsehal Jowie Carampot, Konsehal Mario Amante, Konsehal Tey Martinez, Konsehal Chris Custodio at Konsehal Florencio Ayos. Samantalang unang beses namang nanumpa bilang mga bagong Konsehal ng lungsod sina Konsehal Gary Grepo (dating Tagapangulo ng Liga ng mga Barangay), Konsehal Vivencio Lozares, Jr.(ang dating Punong Barangay ng Prinza), at Konsehal Hernando Granados (dating 3 term Councilor at Municipal Administrator). Ang Oath taking and Inauguration Ceremonies ay ginanap noong ika-29 ng Hunyo sa General Trias Convention Center, sa pangunguna ng unopposed re-elected Congressman ng Ika-Anim na Distrito ng Cavite, Honorable Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, IV. Dumalo rin sa pagtitipon ang bagong halal ding Gobernador, Honorable Jesus Crispin “Boying” C. Remulla at ang kanyang kapatid at outgoing Cavite Governor, Honorable Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla, Jr. Sa kanyang mensahe matapos ang panunumpa, ipinaabot ni Mayor Ony ang kanyang taos pusong pasasalamat sa mga GenTriseño sa kanilang suporta sa buong Team GenTri. Ayon sa kanya, ang mga mga programang naaayon sa temang “Disiplina, Wastong Serbisyo, Pagasenso” na nasimulan sa kanyang unang termino ay ipagpapatuloy sa mga susunod pang taon. Suportado din ng pamahalaang bayan ang kampanya ng bagong administrasyon laban sa droga, krimen at korapsyon. Sa kanya namang mensahe sa Inaugural Session ng Sangguniang Panlungsod nitong nakaraang ika-5 ng Hulyo, ipinahayag ni Mayor Ony ang mga pangunahing isyu sa lungsod na nais niyang bigyang pansin at lutasin. Kabilang dito ang problema sa basura at mabigat na kondisyon ng trapiko. May ilan ding mga ordinansa na hiniling nyang amyendahan ng Sangguniang Panglungsod tulad ng local tax code, posibleng pagtatayo ng City College, pagtatayo ng mga bagong opisina, at reorganisasyon ng pamahalaang bayan upang mas maging epektibo sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. Hinimok nya ang bawat opisyal at kawani na mas pagbutihin pa ang paglilingkod bilang mataas na pagpapahalaga sa tiwalang ibinibigay ng mga mamamayan. Bilang isang bagong lungsod, hindi maiiwasang maharap ang General Trias sa mga panibagong hamon, ngunit kampante si Mayor Ony na ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan ay isang magiging mabisang lakas upang magpatuloy ang pagunlad at pag-angat ng antas ng pamumuhay sa ating One and Only GenTri.
Photo by: Dennis Abrina
|
by the Local Communications Group-Gen. Trias ~Lyssa Limbo-Rodriguez Sa loob ng mahigit tatlong daang taon ng pamamalagi ng mga Kastila sa Pilipinas, napakaraming mga bagay at gawi ang maituturing na impluwensya nila sa ating mga Pilipino. Ilan sa mga ito ay dala natin hanggang sa kasalukuyan at naging bahagi na ng ating kultura. Isa na dito ay ang “plaza complex” na para sa karamihan ay isa lamang place of interest, ngunit kung susumahin, ang plaza ay napakahalagang bahagi ng isang komunidad. Hindi lamang ito lugar ng pagtitipon at recreational space para sa marami ngunit isa rin sa mga nagiging dausan ng mga pangyayaring naitatala sa kasaysayan ng isang bayan, maging sa mga alaala ng mga mamamayan. Dahil sa papel na ginagampanan nito sa isang bayan, importanteng mapanatili ang ganda nito at tiyaking nakakasabay ito sa nagbabagong panahon upang mas maging kapaki-pakinabang sa lahat – bagay na sinigurado ni Mayor Ony at ng Pamahalaang Lungsod. Nitong nakaraang taon, ang Plaza Rizal ng GenTri ay sumailalim sa improvement and renovation at nito ngang nagdaang Hunyo 28 ay muli itong binuksan para sa lahat sa pamamagitan ng Ribbon-cutting Ceremony sa pangunguna ng ating Punong Lungsod Antonio A. Ferrer,Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV,Vice Mayor Maurito C. Sison, Sangguniang Panlungsod at ng mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod, na sinundan ng Blessing na pinangunahan naman ni Rev. Fr. Inocencio B. Poblete Jr. Ang bagong Plaza Rizal ay may basketball court, musical lighting fountains, historical markers, park benches, stage and leisure grounds. Mainit na tinanggap ng mga GenTriseño ang muling pagbubukas ng Plaza Rizal at hindi nagdaan ang mga sumunod na araw na walang bumibisita at naglalagi dito. Malinaw na appreciation ito ng mga hakbang na isinasagawa ng Pamahalaang Bayan patungkol sa pagsuporta sa mga pangangailangan ng mga mamamayan ng balanse sa pagitan ng modernisasyon at pagpapanatili ng tradisyon. Sa gitna ng patuloy na paglago ng urbanisasyon sa lungsod, malaking bagay na mapanatili ang presensya ng plaza complex kung saan nagtatagpo ang iba’t ibang aspeto ng ating kultura – ang pamahalaan, ang simbahan, at ang sari-saring pagtitipon ng mga mamamayan na patuloy na humuhulma sa kultura ng isang bayan. Hindi na lamang isang simpleng pasyalan, ang Plaza Rizal ngayon ay magandang simbolo na rin ng pagkakaisa ng lahat sa ating One and Only GenTri.
Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen. Trias ~Lyssa Limbo-Rodriguez Mayo 9, 2016 – Muling ipinamalas ng mga GenTriseño ang kanilang pagkakaisa nitong nakaraang halalan para sa Pambansa at Lokal na mga opisyal. Batay sa official City Certificates of Canvass (CCOCs) na inilabas ng Commission on Elections (ComElec) noong ika-10 ng Mayo na nakalap mula sa 196 clustered precincts ay naideklara ang pagkapanalo ng buong Team GenTri na nakakuha ng mayoryang boto ng mga mamamayan. Maituturing na landslide victory ang nakamtang tagumpay nina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at Vice Mayor Maurito “Morit” Sison dahil sa laki ng inilamang nila sa mga kapwa kandidato sa kani-kanilang posisyon. Ang sampung konsehal naman ng Team GenTri ay pasok din lahat sa Top 10 ranking sa pangunguna ni Konsehal Kerby Salazar. Masasabing ang naging resulta ng bilangan ay isang testimonya ng buong tiwala ng mga mamamayan sa kakayahan at katapatan sa paglilingkod ng mga kasapi ng Team GenTri. Samantala, taos pusong pasasalamat naman sa mga GenTriseño ang nais ipahatid ng buong lapian para sa suportang kanilang ipinakita para sa partido, gayundin para sa natapos na mapayapa at malinis na halalan. Ang kanilang pagboto ay maaring nangangahulugan din ng pagtangkilik ng mga mamamayan para sa pagsulong ng mga makabuluhang prinsipyong itinataguyod ng National Unity Party (NUP) kabilang na ang pananampalataya sa Panginoon, pangangalaga sa kalikasan, pagkakapantay-pantay at kapangyarihan at kalayaan ng bansa. Inaasahang sa mga susunod na araw ay muling maipagpapatuloy ang mga programa at proyektong pangkaunlaran na nauna nang nailatag ng ating mga bagong halal na opisyal para sa ating One and Only GenTri. Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen. Trias Ang tradisyon ng pagkilala sa husay ng kabataang GenTriseño ay muling idinaos noong ika-29 ng Abril 2016 sa General Trias Convention Center. Nasa 592 ang kabuuang bilang ng mga kinilala sa ika-57 Gawad Parangal ngayong taon na binubuo ng mga excellence awardees mula sa elementarya, sekondarya, kolehiyo, at mga nakapasa sa iba’t ibang licensure exams sa kani-kanilang mga propesyon. Sa pangunguna nina Mayor Ony Ferrer at Congressman Jon-Jon Ferrer, ang mga awardees ay muling umakyat sa entablado upang tumanggap ng kanilang mga medalya at certificates. Sa kanilang mga mensahe, abot-abot ang papuri ng magkapatid na lingkod bayan sa mga kabataang patuloy ang pagsusumikap sa kanilang pag-aaral. Hinikayat pa ni Mayor Ony ang mga kabataan na lalong linangin ang kanilang kaalaman at talento at binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang karakter at maayos na pag-uugali ng mga kabataan, na ayon sa kanya ay tunay na layunin ng de-kalidad na edukasyon. Panauhing Pandangal ngayong taon si Ginoong Michael Jimenez Francisco na kasalukuyang First Vice President at Head of Human Resource and General Affairs ng Sumitomo Mitsui Banking Corporation, isang malaking Japanese Financial company, dito sa Pilipinas. Si G. Francisco, tulad ng mga naunang panauhing pandangal noong mga nakaraang taon, ay isang ring taal na GenTriseño na kinakitaan ng husay, talino, at pagsusumikap. Produkto ng St. Francis School at ng Unibersidad ng Pilipinas, si G. Francisco ay naging isang masigasig na kabataan sa paglinang ng kanyang mga kakayahan hanggang sa maabot niya ang tagumpay sa kanyang napiling larangan. Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni G. Francisco ang kanyang pagsaludo sa mga honorees ng bagong henerasyon kasabay ng pagbabahagi ng ilan niyang karanasan na siguradong magsisilbing inspirasyon sa ating kabataan. Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group- Gen. Trias Disyembre 12, 2016 – Alinsunod sa Republic Act 10675, isang plebesito ang ginanap upang mabatid ang pulso ng taumbayan hinggil sa pagiging lungsod ng bayan ng General Trias. Binuksan nang araw na ito ang 24 na voting centers para sa 132, 221 rehistradong botante mula sa 33 barangay. Sa araw ng botohan, naitala na may kabuuang 15, 542 na mga botanteng lumahok sa halalan. Mula sa bilang an ito, 15, 037 ang bumoto ng “YES” at 490 ang “NO. ” Ipinakita sa plebesito na mas nakararaming Gentriseño ang pabor na maging isang siyudad ang bayan ng General Trias na ngayon ay pang-7 siyudad na sa lalawigan ng cavite at pang-145 lungsod sa buong bansa. Ito ay dahil sa pagsusumikap ng mga lokal na opisyal sa pamumuno ni Hon. Antonio “Ony” A. Ferrer at Sangguniang Bayan na nagsulong sa pagbabagong ito. Ang paglilipat sa General Trias upang maging lungsod ay inaprubahan ng kongreso matapos matugunan ang mga requirements na hiningi ng Local Government Code tulad ng pagkakaroon ng taunang kita na hindi baba sa Php 100 milyon sa dalawang magkasunod na taon at pagkakaroon ng 150, 000 populasyon o higit pa at nasasakupang teritoryo na may 100 kilometro kwadrado. Kinikilala ang General Trias na isa sa mga progresibong bayan sa Cavite at ang pagiging siyudad nito ay magdudulot ng higit na pagbabago at patuloy na pag-unlad sa hinaharap.
|
by the Local Communications Group-Gen. Trias Oktubre 4, 2016 – Ang pista ng bayan ay muli na namang ginanap noong ika-4 ng Oktubre na punong-puno ng kasiyahan at iba’t ibang patimpalak. Ito ay isang taunang selebrasyon bilang paggunita at pasasalamat sa patron ng bayan na si San Francisco de Asis. Para sa taong ito, ang temang “ San Francisco Huwaran sa Pagiging Dukha at Mapagmalasakit” ay nagsilbing inspirasyon upang gawing makulay at masaya ang pagdiriwiang. Sinimulan ang pagdiriwang sa pagbubukas ng Fiesta Baratillo noong Setyembre na inabangan ng maraming Gentriseño. Sinundan ito ng isang Costume Parade noon ika-30 ng Setyemre sa pangunguna ng Nagkakaisang Kababaihan ng Gen. Trias (NKGT). May 35 kandidato mula sa iba’t ibang barangay ang lumahok sa patimpalak at nagpakita ng mga naggagandahang kasuotang yari sa sako at iba pang recycled materials. Binigyan ng Certificate of Participation ang lahat ng sumali ngunit ang mga nanalo ay napagkalooban ng cash prize. Nakuha ng Brgy. Pasong Kawayan II ang ikatlong pwesto at premyong Php 7,000, ng Brgy. Bacao I ang ikalawang pwesto at premyong Php 10, 000 at ng Brgy. San Juan II ang unang gantimpala at premyong Php 15, 000. Ginanap naman noong ika-1 ng Oktubre ang Marching Band Competition upang iparining ang mga mahuhusay na banda mula sa iba’t ibang bahagi ng Cavite. Sa taong ito, may sampung banda ang nakilahok at lalong nagpasaya sa pagdiriwang. Umikot sa bayan ang mga banda bago nagpakita ng kanilang exhibition. Tinanghal ang Sta. Monica Band ng Tanza bilang pinakamahusay sa lahat. Gayundin, hindi mawawala ang tradisyunal na Karakol na ginanap noong ika-2 ng Oktubre na nilahukan ng iba’t ibang sector ny bayan. Nakiindak at nakisaya ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Bayan, ihan, mga miyembro ng iba’t ibang organisasyon tulad ng Senior Citizens at Nagkakaisang Kababaihan, at maging ang mga guro at mag-aaral ng iba’t ibang paaralan. Napuno ang kalsada ng masasayang tugtugin at makukulay na kasuotan. At dahil kilala si San Francisco bilang Patron ng mga Hayop, hindi mawawala ang Pabialahay (Pagbibinyag sa mga Alagang Hayop) na ginanap noong ika-3 ng Oktubre. Marami ang nagdala ng kanilang mga alagang hayop sa simbahan upang mabinyagan. Sa mismong ika-4 ng Oktubre ginanap ang Town Fiesta kung kalian binuksan ng mga Gentriseño ang kanilang tahanan sa mga kamag-anak, kakilala, at iba pang bisita upang ipatikim hindi lamang ng masasarap na pagkaing matitikman lamang sa Gen. Trias kundi na rin ipadama ang pagigi magiliw sa panauhin ng mga Gentriseño Nagtapos ang kasihayan sa isang makulay, maingay, at magandang firework display sa plaza. Ang matagumpay na pagdiriwang na ito ay sa pagtutulungan nina Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Mayor Antonio “Ony” Ferrer, Sangguniang Bayan Members, Tourism Office at Saint Francis of Assisi Parish Church. |
by the Local Communications Group-Gen.Trias August 27, 2015 (General Trias, Cavite) – Nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Republic Act No. 10675 o ang batas na nagko-convert sa Bayan ng General Trias sa isang component city ng Lalawigan ng Cavite. Ikinatuwa ito ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, gayundin ng mga ordinaryong Gentriseño dahil inaasahang magdudulot ito ng higit na kaunlaran at lalong pinagbuting serbisyo mula sa pamahalaan. Ayon sa mga datos mula sa Philippine Statistical Authority at Bureau of Local Government Finance na naging basehan sa pag-pasa sa nasabing batas, ang General Trias ay may populasyon na 243,322 noong 2010 Census at average annual income noong 2011 and 2012 na Php 217,512,778.37, hindi kasama rito ang Internal Revenue Allotment, special funds, transfer at non-recurring income. Bagama’t ang kabuuang lawak ng bayan ay 9,001 hectares lamang ayon sa Land Management Bureau, ang General Trias ay tinuturing na isa sa may pinaka-malaking land area sa Cavite. Upang maging ganap na lungsod ang baying ito, hinihikayat ni Mayor Ferrer ang lahat ng Gentriseño na suportahan at makibahagi sa gaganaping plebisito na isasagawa ng Commission on Elections. Ayon sa Article 9, Section 51 ng RA No. 10675, ito’y gagawin sa loob ng isang-daan at dalawampung (120) araw mula sa petsa ng pag-apruba ng nasabing batas. Nagpasalamat naman ang alkalde kay Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV ng ika-6 na Distrito na siyang umakda ng House Bill 4769 na nagsusulong sa pagiging lungsod ng General Trias, gayundin sa mga senador na sina Bong-Bong Marcos at JV Ejercito na sponsor at co-sponsor ng panukala, at kay Governor Jonvic Remulla na tumulong at sumuporta sa inisyatibong ito. |
by the Local Communications Group-Gen.Trias July 31, 2015 (General Trias, Cavite) – Ngayong buwan ng Hulyo ay ipinagdiriwang ang National Disaster Consciousness Month, kung saan binibigyang halaga ang kahandaan ng pamahalaan at mamayaan sa sakuna tulad ng bagyo at lindol. Kaugnay nito, at bilang paghahanda sa tinatawag na “the big one” o ang pag-galaw ng West Valley Fault na inaasahang magdulot ng pinsala sa mga ari-arian at panganib sa buhay ng mga maaapektuhan nito, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng General Trias nitong Huwebes, July 30, ng isang earthquake drill at simulation ng iba’t-ibang scenario na maaaring mangyari pagkatapos ang isang malakas na lindol. Buong kooperasyong nakibahagi ang mga kawani ng munisipiyo maging sina Mayor Antonio “Ony” Ferrer at Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, na nag-drop, cover and hold maneuver habang isinasagawa ang drill. Ipinakita naman ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, Rural Health Unit at mga barangay emergency response volunteers ang kanilang kakayahang rumesponde sa mga biktima ng pagyanig. Samantalang ang Bureau of Fire Protection naman ay nagsagawa ng fire simulation kung saan kailangan nilang apulahin ang sunog sa munisipiyo na dulot ng lindol. Kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police, Municipal Social Welfare and Development Office, Municipal Engineering Office, General Services Office at Municipal Information Office, pinangunahan ni Mayor Ferrer ang Incident Command Center kung saan naka-monitor siya sa ginagawang pagresponde sa iba’t-ibang disaster scenarios. Ayon kay Mayor Ferrer, bagama’t hindi kasama ang bayan ng General Trias sa madadaanan ng West Valley Fault, mas mainam na maging handa upang ma-meet ang zero casualty policy ng gobyerno. Mahalaga din aniya ang mga drills upang mabigyan ng kaalaman at kasanayan ang publiko sa mga dapat nilang dawing kapag may sakuna. Dagdag pa ng alkalde, patuloy ang sinasagawang drills sa mga pampubliko at pribadong paraalan, gayundin ang capability training ng mga rescuers ng lokal na pamahalaan at pagbili ng mga emergency response equipment. Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen.Trias July 28, 2015 (General Trias, Cavite) – Muling naghatid ng karangalan ang mga manlalarong kabataang Gentriseño na lumahok sa nakaraang Batang Pinoy 2015 ng Philippine Sports Commission, na ginanap sa Malolos, Bulacan. Nakamit ng volleyball boys team ang 2nd Place (Luzon leg), na nagbigay sa kanila ng pagkakataong lumaban sa national finals na gagawin sa Cebu sa darating na November. Sila’y kinabibilangan nila Allen Angelo Caucdan, Deon Xander Colorado, Eryn Maui de Lima, Neil Paulo Diaz, Sean Michael Escallar, John Carlo Flores, Vincent Gatdula, Juztine Garcia, Jerome Manuel, Yoj Ylrev Pabiton at Valeriano Sasis II. Pinangunahan ang kanilang koponan nila Head Coach Reynaldo Colima, Assistant Coaches Dexter Clamor at Katherine Rezare, at Trainer na si Cromwell Garcia. Nakakuha naman ng bronze medal ang archer na si Cerleandro Antonio Lujero sa ginanap na finals sa tulong ng kanyang mga Coach na sila Zander Lee Reyes at Alejandro Lujero. Hindi rin papahuli ang judo team sa pagkamit ng medalya. Nag-uwi ng gold si Angelo Nicolo Saria, silver naman sila Kryzia Angelica Gutang at Lovelyn Delfin, at nakakuha ng bronze medal ang judoka na si Felice Barbuco. Ang judo team ay pinangunahan ng kanilang mga coach na sina Resil Rosalejos at Karen Ann Solomon. Samantala, napanalunan ng basketball team ng General Trias ang kampeyonato sa Juniors at Seniors Category ng 3rd MV Santiago Invitational Basketball Tournament na ginanap nitong buwan sa Trece Martirez City. Ang Junior under 18 team ay pinangunahan ng kanilang Head Coach na si Jayvee Villena at Assistant Coach Miko Delos Santos, samantalang ang Senior Division naman ay suportado ng kanilang mga coach na sina Tamil Dela Cruz at Jayvee Villena at coaching staff na si Rey Porto. Tumayo naman bilang mga team manager ng dalawang koponan sina Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison. Bilang pagkilala sa mga kabataang atleta, binigyan sila ng parangal nila Mayor Ferrer, Vice Mayor Sison at mga Sangguniang Bayan Members sa flag raising ceremony na ginanap nitong Lunes, July 27, sa liwasang bayan. Sinaksihan ito ng mga kawani ng munisipiyo at mga punong barangay na nagpakita ng kanilang paghanga sa mga natatanging Gentriseñong manlalaro. Photo by: Grace Solis
|
by the Local Communications Group-Gen. Trias July 28, 2015 (General Trias, Cavite) – Namahagi si Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ng mga bagong mobile deskphone units sa 33 barangay chairmen ng General Trias bilang bahagi ng Serbisyo 24/7 Project ng lokal na pamahalaan. Layunin ng proyekto na sinimulan pa noong 2008, ang magkaroon ng maayos na linya ng komunikasyon ang lokal na pamahalaan sa mga barangay, public schools, police at fire stations, at mga tanggapan ng pamahalaan na nasa labas ng munisipiyo, nang sa gayon ay maging madali ang koordinasyon ng iba’t-ibang ahensya lalo na tuwing may emergency situation. Malaking tulong din ito sa mga Gentriseño dahil naipaparating nila sa mga local officials ang kanilang mga mensahe at suwestiyon sa pamamagitan ng pagtawag at pag-text sa mga hotline numbers. Dumalo sa ceremonial turnover na ginanap nitong lunes, July 27, sa town plaza, sina Mayor Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison, mga Sangguniang Bayan Members at mga punong barangay, sa pangunguna ni Liga ng Barangay President Gary Grepo. Ayon sa liga, sa pamamagitan ng mga bagong kagamitang pangkomuniskasyon magiging madali na ang paghingi nila ng assistance sa mga tanggapan ng munisipiyo. Nauna nang in-upgrade ang mga mobile communication devices ng mga ahensiya ng lokal na pamahalaan, PNP at BFP. Ang huling batch ng bagong deskphone units ay nakatalaga naman para sa mga public elementary at high schools ng General Trias. |
by the Local Communications Group-Gen. Trias July 21, 2015 (General Trias, Cavite) – Bilang bahagi ng programang pangkalusugan ng lokal na pamahalaan ng General Trias, partikular ang enhancement ng emergency response capability nito, nag-turnover ng isang bagong ambulansya si Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer sa Rural Health Unit (RHU) nitong Lunes, July 20, 2015, sa liwasang bayan, na sinaksihan ng mga barangay officials at mga kawani ng munisipiyo. Ang ambulansyang ito ay pinondohan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO) at ng lokal na pamahalaan. Kasama ni Mayor Ferrer si Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga Sangguniang Bayan Members nang opisyal na tanggapin ni Dr. Sesinand Talosig ng RHU ang bagong emergency response vehicle. Ayon sa alkalde, patuloy ang implementasyon ng mga programang magpapabuti ng serbisyo ng lokal na pamahalaan, hindi lamang medikal, maging social services at pang-imprastruktura. Umano’y bunga ito ng maayos at responsableng pamamahala ng kaban ng bayan. Nagpapasalamat din si Mayor Ferrer sa suportang ibinibigay ng mga National Government Agencies tulad ng PCSO, na patuloy na nagiging katuwang sa pagpapaunlad sa bayan ng General Trias. Noong nakaraang buwan ay tumanggap din ng isang bagong ambulansya ang lokal na pamahalaan mula naman kay Congressman Luis “Jon-Jon” Ferrer IV ng ika-6 na Distrito ng Lalawigan ng Cavite. Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen. Trias July 21, 2015 (General Trias, Cavite) – Mahigit 2,400 daycare students ang inaasahang makikinabang sa P3.8 milyong pondo mula sa Department of Social Work and Development (DSWD), para sa supplemental feeding program sa bayan ng General Trias na tatagal sa loob ng isang-daan at dalawangpung (120) araw. Opisyal na tinurnover ni MSWD Head, Rebecca Generoso at Nutritionist, Ms. Leonavie Baylen ang ceremonial cheque kina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at mga Sangguniang Bayan Members, nitong Lunes, July 20, 2015, matapos ang flag raising ceremony sa liwasang bayan. Ayon kay Mayor Ferrer, malaking tulong ang pondo galing DSWD upang patuloy na mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga mag-aaral ng 56 daycare centers sa General Trias. Dagdag pa ng alkalde, very timely din ito dahil ngayong buwan ay ipinagdiriwang ang Nutrition Month, kung saan binibigyang diin ang wastong pagkain at ehersisyo. Nilatag din ni Mayor Ferrer ang planong pagpapatayo ng mga bagong daycare centers upang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking pamayanan. Photo by: Grace Solis
|
by the Local Communications Group-Gen.Trias July 20, 2015 (General Trias, Cavite) – Nakamit ng Bayan ng General Trias ang 1st Place sa Overall Competitiveness (1st-2nd Class Municipality Category), gayundin ang 1st Place sa Economic Dynamism (1st-2nd Class Municipality Category) sa ginanap na 3rd Regional Competitiveness Summit nitong July 16, 2015, sa Philippine International Convention Center, kung saan mahigit na isang libong lokal na pamahalaan ang nakilahok sa Cities and Municipalities Competitiveness Index na isinagawa ng National Competitiveness Council (NCC), katuwang ang ibat-ibang Regional Competitiveness Committees (RCC) ng bansa. Layunin ng proyektong ito na sukatin ang performance ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa Economic Dynamism, Government Efficiency at Infrastructure support. Buong-galak namang tinanggap ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagkilala mula kina Mr. Guillermo Luz-Private Sector Co-Chair, NCC, Secretary Jose Rene Almendras-Cabinet Secretary at Secretary Florencio Abad-Department of Budget and Management. Kasamang dumalo ni Mayor Ferrer sa awarding ceremony sina Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, mga Sangguniang Bayan Members, Engr. Jemie Cubillo-MPDC, Mrs. Rebecca Generoso-MSWDO, Mr. Conrado Cabrera-Budget Officer at Mr. Romel Olimpo-Local Economic and Investment Promotions Officer. Naroon din sa pagitipon ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, pribadong sektor at academe. Ito ang pangatlong pagkakataong lumahok ang bayan ng General Trias sa nasabing proyekto ng NCC. Matatandaang kinilalang 5th Most Competitive Municipality ito, noong 2013 at Top 2 Overall Most Competitive at Top 2 in Economic Dynamism naman noong 2014. Ayon kay Mayor Ferrer, patuloy siyang magpapatupad ng mga programang magtataas pa sa antas ng serbisyo ng lokal na pamahalaan upang lalo itong maging world class at business-friendly. Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen.Trias June 2, 2015 (General Trias, Cavite) – Personal na binisita ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang mga pampublikong paaralan sa bayan ng General Trias nitong Lunes, June 1, kasabay ng unang araw ng klase. Kasama si Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at mga Sangguniang Bayan Members, nag-inspeksyon ang punong ehekutibo bilang pakikiisa sa Oplan Balik Eskwela, upang masiguro na maayos at ligtas ang mga pasilidad ng mga paaralan sa buong bayan. Bilang bahagi rin ng kanyang pagsuporta sa sektor ng edukasyon lalo na sa mga mag-aaral na Gentriseño, namahagi si Mayor Ferrer ng libreng school supplies sa mga estudyante mula kinder to grade 6. Ang proyektong ito ay taunang ginagawa ng lokal na pamahalaan upang maibsan ang gastusin ng mga magulang tuwing sasapit ang pasukan. Tinatayang nasa 39,000 na estudyante ang nabigyan ng bagong gamit ngayong school year. Ayon sa alkalde, prayoridad ng kanyang administrasyon ang mabigyan ng conducive learning environment ang mga estudyante sa General Trias. Patuloy rin aniya ang pagsasagawa ng lokal na pamahalaan ng mga proyektong magtataas ng antas ng edukasyon, tulad ng pagtatayo ng mga bagong school buildings at pamamahagi ng mga makabagong kagamitan gaya ng computer units.
Photo by : Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen.Trias May 26, 2015 (General Trias, Cavite) – Muling pinatunayan ng mga Gentriseño ang kanilang natatanging galing sa larangan ng palakasan ng muling mag-uwi ng karangalan ang tatlong kabataan na sina Precious Glorian Dakis Jimenez (basketball), Ma. Christina Samarita (chess), at Joseph Franklin Niño Grepo Closas (badminton). Si Jimenez ay kinilala bilang Top 4 Junior Women’s National Basketball Association (WNBA) Philippines Coach of the Year, samantalang si Closas naman ay isang multi-awarded badminton player at tumanggap ng Gawad Luntiang Parangal Athlete of the Year mula sa De La Salle University – Dasmariñas nitong March 24, 2015. Hindi naman papahuli ang batang si Samarita na tinanghal bilang champion sa under 9 girls 2015 National Schools and Youth Chess Championship na ginanap nitong April 7-12, 2015. Nahirang din si Samarita bilang opisyal na delegado sa 11th Asian School Chess Championship na gaganapin sa bansang Singapore ngayong May 30-June 8, 2015. Tumanggap ng sertipiko ng pagkilala mula kay Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang tatlong manlalaro dahil sa karangalang ibinigay nila sa bayan ng General Trias at sa magandang halimbawang naipakita nila sa mga kabataan. Iginawad ang pagkilala ni Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison na kumatawan sa alkalde, kasama ang mga Sangguniang Bayan Members, matapos ang flag raising ceremony na ginanap sa liwasang bayan nitong Lunes, May 25. Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen. Trias May 26, 2015 (General Trias, Cavite) – Isang magandang halimbawa ng public-private partnership ang pagsuporta ng Chinese Filipino Business Club sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-117 taong anibersaryo ng ating Kalayaan, gayundin sa kampanya ng lokal na pamahalaan ng General Trias kontra dengue. Sa pangunguna ng kanilang Executive Vice President na si Mr. William C. Yap, nag-donate ang nasabing samahan ng mga bandila na ipinamahagi naman sa mga barangay, pampublikong paaralan, at sa mga police at fire stations. Bilang pagsuporta naman sa Dengue Awareness Month sa susunod na buwan, namahagi sina Mr. Yap ng mga public information posters na naglalaman ng mahahalagang impormasyon tungkol sa dengue, gaya ng mga sintomas at mga paraan upang maiwasan ito. Bukod rito, magsasagawa rin ang Chinese Filipino Business Club ng pambobomba sa lamok sa mga piling public schools sa General Trias. Sa turnover ceremony na ginanap sa liwasang bayan, pinasalamatan ni Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison na kumatawan kay Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, sina Mr. Yap dahil sa kagandahanng loob na kanilang ipinakita at sa taos-pusong pagsuporta ng Chinese Filipino Business Club sa mga programa ng lokal na pamahalaan. Photo by: Grace Solis
|
by the Local Communications Group-Gen. Trias May 25, 2015 (General Trias, Cavite) – Muling ipinamalas ng mga Gentriseño ang pagkakaisa at malasakit sa komunidad nang sama-samang nagtulong-tulong ang iba’t-ibang sektor sa ginanap na Brigada Eswkela nitong May 18-23, 2015. Sa temang “Tayo para sa Kalinisan, Kaligtasan at Kahandaan ng ating mga Paaralan”, layunin ng programa na ihanda ang mga paraalan hindi lamang para sa darating na pasukan kundi maging sa mga kalamidad. Bilang ama ng bayan, pinangunahan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer noong May 18 ang kick-off walkathon mula South Square Village sa Barangay Pasong Kawayan I, hanggang Governor Ferrer Memorial National High School sa Barangay Pinagtipunan. Kasama niyang dumalo si Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at mga Sangguniang Bayan Members. Tulad rin ng mga guro at ibang volunteers na nagtungo sa mga pampublikong paaralan, naglaan din sila Mayor Ferrer ng oras upang tumulong sa paglilinis, pagpipinta at pagsasaayos ng mga silid aralan. Namahagi rin ang alkalde ng mga pintura upang magamit sa pagpapaganda ng mga eskwelahan. Sa kasalukuyan, may 35 public elementary at high schools sa buong bayan ng General Trias. Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen. Trias May 25, 2015 (General Trias, Cavite) – Nasungkit ng basketball team mula sa Barangay Pinagtipunan ang kampeyonato sa ginanap na championship game ng Gentri Youth Inter-Barangay Basketball League nitong Linggo, May 24, sa General Trias Sports Complex, Barangay San Juan I. Sa score na 79-77, mahigpit nilang nakalaban para sa unang pwesto ang koponan mula sa Barangay Arnaldo. Nakuha naman ng Barangay Navarro ang ikatlong pwesto laban sa grupo mula sa Barangay Santiago sa score na 70-66. Samantala, tinanghal bilang Mythical Five sina Justin Ramirez, Rusty Reyes, Mickhoel delos Santos, Edgar dela Cruz at Ladlo Dulce. Nakuha rin ni Dulce ng Barangay Pinagtipunan ang pagkilala bilang Most Valuable Player (MVP) ng liga. Naging espesyal naman ang pagtatapos ng torneyo sa pagdalo ni FHM Magazine May 2015 cover girl Arny Ross, na isang Caviteña. Dumalo rin ang mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at mga Sangguniang Bayan Members, gayundin si 6th District Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV at mga punong barangay ng General Trias. Ang mga nagwaging manlalaro ay nagkamit ng tropeyo at cash prize na ginawad ni Mayor Ferrer at ng Team Gentri. Photo by: Dennis Abrina |
by the Local Communications Group-Gen. Trias May 15, 2015 – Muling ginanap sa General Trias Convetion Center ang taunang pagkilala sa husay ng kabataang Gentriseño ng Pamahalaang Bayan, ang Gawad Parangal. May kabuuang bilang na 675 na kabataan ngayong taon ang tumanggap ng pagkilala dahil sa kanilang angking talino at sipag sa pang-akademikong larangan – 376 mula sa elementarya, 211 mula sa high school, 27 mula sa kolehiyo at 61 mula sa mga hanay ng pumasa sa Bar Exam, Board Exam at iba pang Licensure Exam. Panauhing Pandangal ngayong taon si Prof. Fredeline “Poppee” R. Parin na kinikilalang isa sa pinakamahuhusay na musikero ng bansa partikular sa pagtutog ng trumpeta. Kasalukuyang propesor sa University of the Philiipines – College of Music, principal trumpet player ng Philippine Philharmonic Orchestra at miyembro ng International Trumpet Guild, lubusang nalinang ni Prof. Popee Parin ang kanyang talento sa musika at patuloy itong ibinabahagi sa iba sa pamamagitan ng pagtuturo. Dahil sa kanyang husay, siya rin ang natatanging Pilipino na kinilala sa librong “Trumpet Greats.” Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang mga kabataan na patuloy na magsumikap sa kanilang mga larangan para maabot ang kanilang mga parangap. Sa kanyang mga narating at sa dedikasyon ni Prof. Poppee na patuloy na humuhubog ng galing ng kabataan, tunay syang nagsisilbing inspirasyon sa marami. Tulad ng nakagawiang tradisyon, nagtipon ang mga lingkod bayan para sa Gawad Parangal sa pamumuno ng ating Punong Bayan, Mayor Antonio “Ony” Ferrer, kasama si Congressman Luis ” Jon-Jon” A. Ferrer IV at ang buong kasapian ng Konseho sa pangunguna ni Vice Mayor Maurito “Morit” Singson. Patuloy na dumarami ang kinikilala sa taunang Gawad Parangal na maaring isang indikasyon na ang paglinang ng kanilang talino at patuloy na pagsusumikap sa pag-aaral ay lalong pinahahalagahan ng mga kabataang Gentriseño. Photo by: Grace Solis |
by the Local Communications Group-Gen. Trias May 15, 2015 (General Trias, Cavite) – Pinangunahan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang pagtanggap sa mga delegado na binubuo ng labing-isang (11) lokal na pamahalaan mula sa lalawigan ng Compostela Valley nitong May 14, sa bulwagan ng Pamahalaang Bayan. Kasama sa grupo na naglakbay-aral sina Mayor Lema Bolo ng bayan ng Compostela, Ms. Cristine Dompor-Provincial Tourism and Investment Promotions Officer, at mga kawani ng Department of Trade and Industry – Compostela Valley, sa pangunguna ni OIC, Provincial Director Atty. Lucky Siegfred Balleque. Layunin ng kanilang pagbisita ang alamin at i-replicate ang mga best practices ng General Trias pagdating sa investment promotions at good governance na naging susi kung kaya’t tinanghal itong Top 2 Most Competitive LGU sa buong bansa ng National Competitiveness Council. Sa kanilang pagbisita, nabigyan ng pagkakataong makita ng mga delegado ang iba’t-ibang opisina at pasilidad ng lokal na pamahalaan sa tour na isinaayos ng Local Economic and Investments Promotion Center (LEIPC) na pinangangasiwaan ni Mr. Romel D. Olimpo. Nagkaroon din ng isang audio-visual presentation at open forum kung saan nagpalitan ng magagandang ideya at masayang ibinahagi ni Mr. Olimpo ang mga programang isinasagawa ng bayan ng General Trias upang makapanghikayat ng mga mamumuhunan at patuloy na maging business friendly. Binahagi naman ni Mayor Ferrer ang kanyang karanasan bilang alkalde lalo na ang mga repormang kanyang ipinatupad upang lalong makapagbigay ng wastong serbisyo sa mga Gentriseño. Aniya, hindi lamang political will, kundi political courage ang kailangan ng isang lingkod bayan upang maisagawa ang mga nararapat na pagbabagong kinakailangan ng mamamayan. Nagpasalamat din siya sa pagbisita ng Compostela Valley delegates, dahil isang karangalan umano ang maituring na isang huwaran at hinahangaang lokal na pamahalaan hindi lamang sa Cavite kundi pati narin sa buong bansa. Photo by: Grace Solis |