Mga Tapat na Lingkod Bayan kinilala ni Mayor Ferrer

Mga Tapat na Lingkod Bayan kinilala ni Mayor Ferrer

by the Local Communications Group – Gen. Trias

March 30, 2015 (General Trias, Cavite) – Ginawaran ng loyalty award ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang 97 municipal employees sa seremonyang ginanap sa liwasang bayan nitong lunes, March 30, 2015. Bukod sa katibayan ng pagkilala, tumanggap din ng cash incentives ang mga awardees mula sa lokal na pamahalaan, alinsunod ito sa Executive Order No. 292 (Administrative Code of 1987) at Civil Service Commission Memorandum Circular No. 28, series of 2001.

Mula sa nabanggit na bilang, tatlo ang tapat na naglingkod ng 30 taon na tumanggap ng P5,000 cash incentive; tatlo rin ang 25 taon sa serbisyo na tumanggap ng P4,000; tatlumpu’t-isa naman ang 20 taon sa serbisyo na tumanggap ng P3,500; may apatnapu’t-tatlo naman ang tumanggap ng P3,000 na naglingkod ng 15 taon; samantalang labing-pito ang 10 taon sa serbisyo na tumanggap ng P5,000.

Sa nasabi rin programa, binigyan ng natatanging pagkilala si Mr. Alfredo C. Villalobos – Municipal Civil Registrar, dahil sa kanyang dedikasyon sa tungkulin at mga inisyatibo upang lalong mapaglingkuran ng maayos ng kanyang tanggapan ang mamamayan. Si Mr. Villalobos na naglingkod mula 1993 ay nakatakdang magretiro sa susunod na buwan.

Hinimok naman ni Mayor Ferrer ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na gawing magandang halimbawa si Mr. Villalobos at ang iba pang loyalty awardees. Aniya, bilang mga lingkod bayan, importanteng mabigyan ng tapat at nararapat na serbisyo ang mga Gentriseño sa lahat ng oras. Natapos ang programa sa isang salo-salo na handog ng alkalde para sa mga awardees.

Photo by:  Grace Solis