General Trias Cityhood aprubado na!

General Trias Cityhood aprubado na!

by the Local Communications Group-Gen.Trias

August 27, 2015 (General Trias, Cavite) – Nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Republic Act No. 10675 o ang batas na nagko-convert sa Bayan ng General Trias sa isang component city ng Lalawigan ng Cavite. Ikinatuwa ito ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, gayundin ng mga ordinaryong Gentriseño dahil inaasahang magdudulot ito ng higit na kaunlaran at lalong pinagbuting serbisyo mula sa pamahalaan.

Ayon sa mga datos mula sa Philippine Statistical Authority at Bureau of Local Government Finance na naging basehan sa pag-pasa sa nasabing batas, ang General Trias ay may populasyon na 243,322 noong 2010 Census at average annual income noong 2011 and 2012 na Php 217,512,778.37, hindi kasama rito ang  Internal Revenue Allotment, special funds, transfer at non-recurring income. Bagama’t ang kabuuang lawak ng bayan ay 9,001 hectares lamang ayon sa Land Management Bureau, ang General Trias ay tinuturing na isa sa may pinaka-malaking land area sa Cavite.

Upang maging ganap na lungsod ang baying ito, hinihikayat ni Mayor Ferrer ang lahat ng Gentriseño na suportahan at makibahagi sa gaganaping plebisito na isasagawa ng Commission on Elections. Ayon sa Article 9, Section 51 ng RA No. 10675, ito’y gagawin sa loob ng isang-daan at dalawampung (120) araw mula sa  petsa ng pag-apruba ng nasabing batas.

Nagpasalamat naman ang alkalde kay Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV ng ika-6 na Distrito na siyang umakda ng House Bill 4769 na nagsusulong sa pagiging lungsod ng General Trias, gayundin sa mga senador na sina Bong-Bong Marcos at JV Ejercito na sponsor at co-sponsor ng panukala, at kay Governor Jonvic Remulla na tumulong at sumuporta sa inisyatibong ito.