DOLE Nagbigay ng Tulong Pangkabuhayan sa Gentriseño

DOLE Nagbigay ng Tulong Pangkabuhayan sa Gentriseño

by the Local Communications Group-Gen. Trias

May 12, 2014 (General Trias, Cavite) – Isa sa pangunahing layunin ng Lokal na Pamahalaan ng General Trias sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ay ang mabigyan ng magandang oportunidad ang mga mamamayan. Kung kaya’t patuloy ang ginagawang pakikipag-tulungan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang makamit ang nasabing adhikain. At dahil sa masigasig na pakikipag-ugnayan, at sa tulong ni Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, pinagkalooban ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Bayan ng General Trias ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P750,000 na ilalaan sa Livelihood Foodcart Project. Dumalo sa turnover ceremony na ginanap matapos ang flag raising sa Liwasang Bayan sila Mayor Ony Ferrer at mga Sangguniang Bayan Members, gayundin sila Atty. Danilo Cruz – Undersecretary, Department of Labor and Employment, Maria Zenaida Angara-Campita – Regional Director, DOLE IV-A, Imelda Desipeda – TSSD Head, DOLE IV-A at Ignacio Santi, Jr. – Provincial Director, DOLE Cavite. Sa kanyang mensahe, inilahad ni Usec. Cruz na napili ang General Trias dahil sa maganda nitong pamamahala na pinatunayan naman ng pagkakahirang dito bilang National Best PESO Hall of Fame Awardee. Isa rin daw ang General Trias na may pinaka-malaking matatangap na tulong pinansyal mula sa nasabing ahensya. Ipinahayag naman ni Mayor Ferrer sa kanyang mensahe ang pasasalamat ng mamamayang Gentriseño sa napakahalagang tulong hatid ng DOLE na tiyak mapapakinabangan ng mga kapos-palad na residenteng nagnanais magsumikap sa buhay.

Ang ipinagkaloob na pondo ay unang tranche lamang sa kabuuang P1.5 Million na inilaan ng DOLE sa Bayan ng General Trias para sa livelihood project. Inaasahang namang makakapagbahagi ng 79 units na foodcarts at P2,000 na tulong puhuan ang paunang pondong inihatid ng nasabing ahensya.