131 Gentriseño Nagtapos sa Libreng Skills Training « Official Website of General Trias :: Province of Cavite

131 Gentriseño Nagtapos sa Libreng Skills Training

131 Gentriseño Nagtapos sa Libreng Skills Training

by the Local Communications Group-Gen. Trias

General Trias, Cavite (Marso 21, 2014) –Magandang oportunidad at kabuhayan sa mamamayan,yan lamang ay ilan sa mga pangunahing layunin ng Lokal na Pamahalaan ng General Trias na kinikilala bilang isa sa progresibong bayan ng Cavite. Sa pangunguna ng MSWD Training and Productivity Center, patuloy na nakapagbibigay ng libreng pagsasanay sa mga Gentriseño na nagnanais linangin ang kanilang kakayahan at paunlarin ang kanilang buhay. At noong ika-20 ng Marso, 2014 nagtapos ang 131 trainees sa culminating activity na ginanap sa Audio Visual Room ng munisipyo ng General Trias. Dumalo sa nasabing programa ang mga trainors ng iba’t-ibang kurso sa pangunguna ni Gng. Imelda Bulanhagui,gayundin sila G. Romel Olimpo ng Economic Enterprise and Investment Promotion Office, G. Ariel Mugol ng Public Employment Services Office, G. Wenceslao Camingay, SB Secretary at kinatawan ni Vice Mayor Maurito C. Sison, at si G. Hernando M. Granados, Acting Municipal Administrator at kinatawan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer.

Ang mga nagtapos ay kabilang sa mga kumuha ng kursong commercial cooking, integrated food processing, dressmaking, massage therapy, hair care and beauty care, consumer electronics servicing, food and beverage service at bread and pastry production. Upang masiguro na makakakuha ng trabaho ang mga ito, nagbibigay rin ng job placement assistance ang training center sa tulong ng PESO. Patuloy rin ang suporta ng inilalaan ni Mayor Ony Ferrer upang mapabuti at lalong maging epektibo ang mga nasabing livelihood trainings. Sa katunayan, noong nakaraang taon sa kanyang ulat sa bayan, inilahad niya ang planong magkaroon ng bago, mas malaki at modernong MSWD Training and Productivity Center upang matugunan ang lalong lumalaking bilang ng mga gustong magsanay.